SANTIAGO CITY, Isabela – Maraming “panganib” ang kaakibat ng Undas. Pero may isa itong dulot na panganib na marahil ay hindi n’yo pa alam: lead sa mga Halloween costume.
Kung maisubo ng mga bata ang palamuti o butones ng suot nilang costume, posibleng agad na tumaas ang antas ng lead sa kanilang dugo, na maaaring sundan ng pagsusuka, pagiging comatose o pagkokombulsiyon. Kahit ang bahagyang pagtaas ng lead level sa dugo ay maaaring magdulot ng kahirapan sa pagkatuto sa paaralan o magbunsod ng kawalan ng kakayahang magbigay ng atensiyon.
Ilang eskuwelahan ang nagdiriwang na ng Undas kahit na ikatlong linggo pa lang ng Oktubre kaugnay ng paggunita sa Araw ng mga Santo at Araw ng mga Patay sa Nobyembre 1-2.
Sa Santiago City sa Isabela, nagbabala sa publiko ang City Health Office laban sa pagbili ng mga Halloween costume at laruan sa layuning protektahan ang mga bata mula sa iba’t ibang panganib sa kalusugan.
Ayon kay Dr. Ramoncito Bayang, assistant city health officer, mahalagang mabatid ng publiko ang panganib ng na naidudulot sa kalusugan ng mga costume na may lead.
Aniya, kapag nakapasok na ang lead sa katawan ay nakakaapekto ito sa calcium at sa iba pang sustansiya. Ang pagbabagong ito ay maaaring magdulot ng permanenteng pinsala sa kalusugan ng tao, kahit pa ng matatanda.
Bukod sa mga epektong una nang nabanggit, nagbubunsod din ang mataas na lead level ng pinsala sa nervous system, speech at language impairment, alta-presyon, nababawasan ang muscle at bone growth, napipinsala ang kidneys, at nagbibigay ng problema sa fertility at memorya. - Liezle Basa Iñigo