Sinulat at mga Larawang kuha ni LEANDRO ALBOROTE
GUMUGUHIT na sa apat na sulok ng bansa ang magagandang tanawin at lugar sa lalawigan ng Tarlac na nagiging paboritong puntahan ngayon ng mga turista.
Tinawag na Expo-Syalan, kabilang ito sa mga proyekto ng Tarlac na magpapakita sa sinuman ng magagandang tanawin na maaaring makabawas ng stress o kalungkutan.
Ipinagmamalaki sa Capas, Tarlac ang Ves Place na madalas puntahan ng mga turista lalo na ng mga residente sa Metro Manila, Central Luzon, at iba pang mga karatig probinsiya. Makikita rito ang kakaibang landscaped garden, fountain, resort, masasarap na pagkain, at iba’t iba pang magagandang tanawin.
Sa nasabing lugar madalas maghintayan ang mga turista na magtutungo sa Mt. Pinatubo na maaaring dumaan sa Sta. Juliana, Capas, Tarlac.
Ang kalapit bayan ng Capas, ang Bamban, ay marami ring magagandang lugar na maaaring puntahan ng mga turista at kakaibang pagkain na bihirang matikman ng mga bisita.
Ang Tarlac ay isa nang tourist destination na lalo pang pinag-iibayo nina Tarlac Governor Victor Yap at Vice Governor Enrique ‘Kit’ Cojuangco, Jr. Nais nilang mabigyan ng sapat na pagpapahalaga ang turismo kaya sinisikap nilang maipakita ang maraming magagandang tanawin at pati na ang masasarap na pagkain. Napatunayan nila ito sa nakaraang Food Festival sa Tarlac na dinayo ng maraming lokal na turista mula sa iba pang mga bayan at probinsiya at Metro Manila.
Isinusulong ni Governor Yap ang eco-tourism. Para maisulong ito, nagbibigay ng tseke ang pamahalaan ng probinsiya sa local government units (LGUs) para sa konstruksiyon ng tourism support facilities. Ang Capas sa pamumuno ni Mayor Antonio ‘TJ’ Rodriguez, Jr. ay tumanggap ng P1.5-milyon; ang Mayantoc ay binigyan din ng P1.5 milyon, P1-milyon sa Bamban; at P1.5 milyon naman sa San Jose.
Dati-rati’y dinaraanan lang ang Tarlac sa pag-aakala ng ibang tao na ordinaryong lugar lamang ito, subalit may kakaiba at magaganda ring lugar at tanawin dito tulad ng Bueno Falls, may hot spring sa Capas, Tarlac. Sa Bamban ay maganda ring puntahan ang Burog Tunnels, Lucot Caves, at Sikwako Falls. Maganda at milagrosang lugar naman ang Dolores Spring Well sa Tarlac City. Sinasabi na ang spring well ay nakakagamot sa ano mang uri ng karamdaman dahil nakalagay dito ang imahe ni Virgen Dolorosa.
Sa ngayon kinikilala na ang Tarlac bilang ‘holy place’ dahil sa relic of the True Cross na nakalagak sa Monasterio de Tarlac sa Barangay Lubigan, San Jose, Tarlac. Nananatiling milagrosa ang naturang lugar.