TAMA si Sen. Ralph Recto nang sabihin niya sa mga pinuno ng Department of Tourism (DOT) na dapat na gamitin ang konting bahagi ng may P3 bilyong taunang travel tax na nakokolekta nila sa pagpapatayo ng mga public restroom sa iba’t ibang bahagi ng bansa laluna doon sa mga lansangan dinaraanang malimit ng mga turista. Sinabi pa ni Recto na maliwanag na katotohanan ang kawalan ng mga palikuran o toilet sa mga lansangan lalo sa labas ng Metro Manila.
Sa survey, ayon pa kay Recto ay lumilitaw na karamihan sa mga reklamo ng mga manlalakbay ay ang kawalan ng malinis na palikuran. Ipinaliwanag pa niya na sa sandaling bumaba na ng eroplano ang isang turista, ang una nitong pinupuntahan ay ang palikuran o toilet, kaya kinakailangang magkaroon tayo ng mga palikurang maayos, malinis at presentable.
Tama ang obsebasyon at mga sinasabi ni Sen. Recto. Sa iyong pagbibiyahe lalo na kung may kalayuan ay wala kang makikitang maayus-ayos na mga palikuran. Hihinto ang iyong sinasakyang bus o pribadong sasakyan sa isang kainan ay masusumpungan mo naman kung gaano kamiserable ang mga comfort room. Mababaho, marurumi at hindi maayos. Malimit ay yari lamang sa pinagtagni-tagning sawali at isang baldeng maruming tubig. Kung may mangilan-ngilan nang simentado ay hindi naman makinis at madulas ang sahig. Maging sa mga superhighway ay wala kang makikitang palikuran. Kaya kung ang isang pasahero ay gusto nang magbawas at hindi na makapagpigil ay tutuwad na lamang sa isang kanto na bahagi ng lansangan.
Maganda ang plano ni Recto sa pagsusulong nito at pagganyak sa DOT na pag-aralan ang posibilidad na mag-alok ng equity sa mga local government, state schools, at mga civic groups sa pagtatayo at pag-mamantine nito at pagkakaroon ng iba pang mapaggagamitan. Kung ang lupang pagtatayuan ay pag-aari ng isang state college, puwedeng ang ilang bahagi ay gawing practicum area para sa mga nagsisikuha ng HRM,” dugtong pa niya. Marami nga namang mall ang kumikita sa pagpapaupa ng kanilang CR. Kung minsan ay kailangan lamang ang kaunting pag-iisip para maisagawa ang isang kapaki-pakinabang na bagay.