Ni MADEL SABATER AT BELLA GAMOTEA

Tiniyak ng Malacañang na magpapatuloy ang opensiba laban sa Abu Sayyaf Group (ASG) matapos nitong palayain kamakalawa sa Patikul, Sulu ang dalawang German na dinukot ng grupo sa Palawan mahigit isang taon na ang nakararaan.

“With the release from captivity of the two German nationals, our security forces will continue efforts to stem the tide of criminality perpetrated by bandit elements,” pahayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma, Jr.

Tikom naman ang Palasyo kung mayroong ibinayad na ransom kapalit ng kalayaan ng dalawang banyaga na nakilalang sina Stefan Okonek, 71; at Henrite Dielen, 55. Ang dalawa ay pinalaya ng mga bandido dakong 8:50 noong Biyernes ng gabi.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dakong 6:45 ng umaga nang lumapag sa Villamor Airbase sa Pasay City ang sinasakyang eroplano ng dalawang German.

Sa kanilang pagdating, sinalubong ang mag-asawang German ng mga opisyal buhat sa German Embassy at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Agad isinailalim sa medical check up sina Okonek at Dielen bago dinala sa Zamboanga City para sa kanilang flight patungong Maynila.

Ang dalawa ay dinukot ng mga bandido nang magkaproblema ang makina ng kanilang sinasakyang yate sa karagatan ng Palawan patungo ng Sabah, Malaysia noong Abril 2014.

Unang humiling ang Abu Sayyaf ng P250 milyong ransom kasabay ng panawagan sa German government na huwag suportahan ang opensiba ng US sa Syria bilang kapalit ng pagpapalaya sa dalawang biktima.