Ang debut game ng world’s pound for pound king sa larangan ng boxing na si Manny Pacquiao, ang pagbabalik sa hardcourt ng crowd favorite na Barangay Ginebra San Miguel at maging ng mga naggagandahang musa ng mga koponang kalahok, ang ilan lamang sa aabangan ng basketball fans sa pagbubukas ngayon ng 40th Season ng PBA, sa pamamagitan ng kanilang season opener na Philippine Cup, sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Inaasahang pupunuin ng mga tagahanga, sa pamumuno ng fans ng Kings, ang 55,000 seater at world largest domed arena.

Sa ganap na alas-3:00 ng hapon, inaasahang sasalang sa kanyang unang PBA game si Pacman bilang playing coach ng Kia Sorento kontra sa kapwa nila baguhang Blackwater Sports.

Susundan naman ito ng tapatan ng Talk ‘N Text Tropang Texters at ng Barangay Ginebra Kings sa ganap na alas-5:15 ng hapon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Una rito, magsisimula ang tradisyunal na parada ng mga koponan sa opening rites sa ganap na alas-2:00 ng hapon kung saan ay tampok ang kanilang mga naggagandahang musa na pangungunahan ng maybahay ni Pacman na si Saranggani Vice Governor Jinkee ng Kia.

Maliban kay Jinkee, ang iba pang mga kumpirmadong rarampa sa Philippine Arena, bilang mga musa, ay sina Miss World 2013 Maegan Young ng Talk ‘N Text, Miss Universe Philippines 2014 MJ Lastimosa para sa Purefoods Star Hotshots na dating San Mig Coffee, Miss International 2013 first runner-up Natalie Den Dekker ng Netherlands para sa Barako Bull at Mutya ng Pilipinas Cordillera Glennifer Perido para naman sa Rain or Shine.

Napili naman ng Alaska ang dating La Salle spiker na si Michelle Gumabao, habang kinuha naman ng Globalport si dating V-League MVP Rachel Anne Daquis.

Kasama rin sa mga musa ang television personalities na sina Ritz Jazul para sa Meralco Bolts at Diane Medina sa NLEX Road Warriors.

Magsisilbi namang inspirasyon ng Kings ang aktres na si Ellen Adarna, habang kinuha naman ng kanilang sister team na San Miguel Beermen si Alice Dixson at Sunshine Cruz naman sa Blackwater.

Inaasahang hindi makalalaro o kung hindi man ay magiging limitado ang oras ng Gilas players na sina Japeth Aguilar at LA Tenorio ng Kings, habang kumpirmado nang hindi lalaro sina Jimmy Alapag at Ranidel de Ocampo para sa Tropang Texters.

Binigyan ng tatlong linggong break si Alapag matapos ang halos dalawang buwan at matinding schedule nito sa Gilas habang ayaw munang gamitin ng bagong head coach ng Talk ‘N Text na si Jong Uichico si De Ocampo dahil kababalik pa lamang nito sa ensayo.

Sa kaso naman nina Aguilar at Tenorio, halos hindi nakapag-ensayo ang mga ito para sa Ginebra kung kaya duda rin kung gagamitin sila ni coach Jeff Cariaso.

Gayunman, sinabi ni Cariaso na sasandigan ng koponan ang kanilang depensa sa pagsisimula ng kanilang kampanya upang tapusin na ang anim na taong pagkauhaw sa titulo,

“During the preseason, the number one thing for the team is our defense and we could always do anything on offense,” pahayag ni Cariaso.

Para naman sa Tropang Texters, aminado rin si Uichico na halos nangangapa pa rin sila at nag-aadjust sa isa’t isa sa team lalo pa’t wala pang isang buwan nang pumasok siya sa koponan kapalit ni Norman Black at gayundin ang kanilang bagong player na sina Jay Washington at ang rookies na sina Matt Rosser at Kevin Alas.

Samantala, inaasahan namang mamumuno para sa kampanya ng Elite ni coach Leo Isaac na nagakong ibibigay ang lahat ng kanilang makakaya sa bawat laro ang mga beteranong sina Eddie Laure, Paul Artadi, Sunday Salvacion, Ogie Menor, Bam Gamalinda at Alex Nuyles.

Para naman sa katunggaling Kia, tiyak na mangunguna sa kanilang kampanya ang mga beteranong sina Rich Alvarez, Reil Cervantes at Mike Burtscher.