WALANG ideya si Coco Martin sa isyung hindi aabot sa 2014 Metro Manila Film Festival ang entry nila ni Kris Aquino na Feng Shui 2 (Star Cinema) na idinidirek ni Chito Roño dahil hindi makakapagshooting si Cherrie Pie Picache.

COCO-Martin (1)Ayon sa aktor nang makatsikahan namin sa set visit ng Ikaw Lamang sa Barangay Immaculate, Cubao Quezon City noong Biyernes ng gabi ay tuluy-tuloy naman daw ang shooting nila at marami nang nakunan sa kanya si Direk Chito. Naikuwento rin dati ni Kris na inunang kunan ang mga eksena ni Coco sa Malabon.

“Aabot kami,” sabi ni Coco kay Bossing DMB, “may first shooting day na kami ni Ms. Kris na magkasama kami bukas (kahapon) kasama si Ms. Pie (Cherrie Pie Picache).”

So, mas napaaga pa pala kung ganoon ang katuparan ng dalangin ni Kris. Kahapon, sinulat namin ang sabi ni Kris na dasal niyang makapag-shoot na sa Nobyembre 5 si Cherrie Pie.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Baka nga handa na ang aktres na humarap sa kamera. Alam ng lahat na nagluluksa si Ms. Pie sa pagkawala ng ina.

Samantala, nakakaramdam na ng pagkalungkot sina Coco at Kim Chiu habang papalapit ang pagtatapos ng Ikaw Lamang (last week na ng master serye) dahil halos isang taon nga naman silang magkasama sa tapings at sobra-sobrang napalapit na sila sa isa’t isa, pati na sa iba pang co-stars nila.

“Siyempre, unang-una, isa ito sa pinakamahirap na project na nagawa ko from the past kasi nu’ng nag-present kami, nagkaroon ng rom-com (romatic comedy), ngayon naman bumabalik, medyo action drama,” sabi ni Coco.

“Ngayong papatapos na, nandoon ‘yung impact na mas lalo kayong nagiging close sa isa’t isa.”

Alin ang mas mahirap na role para kay Coco, bilang si Samuel o bilang Gabriel?

“Actually, mas nahirapan ako kay Gabriel, kasi ‘yung past siyempre pilot, kung baga nag-i-establish ka ng isang character. Ang problema nu’ng nag-present na kami pumasok sa amin ‘yung medyo light, romcom, eh, medyo mahina ako sa anggulong ‘yun.

“‘Yung mga panahong ‘yun, nakakapit ako kay Kim kasi siyempre ‘yung may eksena kami (light), si Kim kasi magaling siya so, kung baga, nagpapaalalay ako, siya ang nagdadala. And in terms of character, nahirapan din kami kasi iisang artista na kami rin ‘yun na magkaiba ‘yung character na kailangan mong bantayan ‘yung nuisances na nagawa mo sa past na hindi mo magagawa sa present.

“Honestly, ako nahirapan kasi wala kaming enough time para mag-prepare or bumuo ng isang character kasi, tulad ngayong araw, nagso-shooting kami ng present, kung baga ganu’n kasi dapat may preparation, dapat pati ‘yung looks, pagbitaw ng dialogues, pero sabi ko nga, minsan maraming bagay na hindi mapi-perfect na hindi mo rin nababantayan kasi almost everyday kaming nagtatrabaho. Saka kami ni Kim, habang ginagawa namin tong soap na ‘to, sumi-segue pa kami sa iba (shooting ng Feng Shui at Past Tense),” kuwento ng aktor.

“Matagal din kaming hindi nagkasama (ni Kim), ngayon sa tingin ko, ang lalim-lalim ng pagtingin niya sa trabaho. Dati kasi sanay siya na laga-lagare.

“Ma-opinyon kasi ako lalunglalo na sa trabaho, ‘pag may nakikita ako na mas makakatulong o ikagaganda ng eksena, nagsasuggest ako, si Kim that time tahimik lang, pero later on ganu’n na rin siya at naisip niya na, ‘ah, open pala dito’ na kung baga nakikita niyang na sa ikagaganda ng character o eksena, sabi nga, mas daig ng maraming isip o utak ang isa. Kung baga maganda ‘yung nagtutulungan kayo.” Samantala, nag-trending worldwide ang eksenang umiyak si Gabriel (Coco) nang mamatay ang amang si Samuel (Joel Torre). Paano niya naitawid ang naturang eksena?

“Kung baga nahinog ‘yung character at the same thing, alam ko ‘yung pinanggagalingan kasi ako rin naman ‘yung gumanap sa past bilang Samuel. Kung baga, kargadung-kargado ako sa trabaho.

“Iba-iba kasi ang artista, meron gumagamit ng past niya sa personal life, ako kasi ayoko nang gamitin ‘yung mga malulungkot na bagay sa past ko, sa (present) ako nakadepende sa mga ginagampanan.

“Depende rin sa ganda ng script, sa pagkakabuo ng istorya, nahinog kaya ‘yun, maganda ‘yung kinalabasan namin. Siguro ang pinaghugutan ko rin kasi matatapos na kami at magugutom na kami kasi wala na kaming trabaho, ha-ha-ha. ‘Yun lang, siguro nabuo ‘yung character,” masayang kuwento ni Coco.

Wala pa siyang susunod na TV assignment.

“Baka po next year na, pahinga muna kasi may movie pa. Actually, nagkakuwentuhan nga kami ni Kim na siguro isa kami sa masisipag na artista sa Pilipinas na talagang... (pinagbubuti), kasi pareho kami ng pinanggalingan, simple lang ‘yung buhay namin, kaya nu’ng dumating ang blessing na ito, ayaw naming pakawalan o itapon kaya hangga’t meron, hangga’t nandidiyan, sige nang sige. Kasi sa totoo lang, matatapos at matatapos ito at kapag nangyari ‘yun, at least handa na kami, kung baga may napuntahan ‘yung pinagpaguran namin at pinaghandaan ‘yung future namin.”

Masinop sa kinikita niya si Coco. Ang kuwento nga ng mga taong malalapit sa aktor, napakalaki ng bahay na ipinagagawa niya, isang compound na bawat miyembro ng pamilya ay may kanya-kanyang bahay.

Samantala, type pala ni Coco na gawin ang Panday.

“Happy pa ako kay Juan de la Cruz,” bilang superhero na ginampanan niya. “Pero nu’ng bata ako marami akong gusto, pero sa atin si Panday bilang Pilipino. Foreign, hindi naman puwede si Superman,” nakangiting sabi ng aktor.