Posibleng nagkunwari ang mga whistleblower na sila si “Janet Lim Napoles” nang sila ay tawagan ng mga bangko upang kumpirmahin kung ang mga withdrawal mula sa account ng fake non-government organizations na ginamit sa pork barrel scam, sa ay mula sa kontrobersiyal na negosyante.
Ito ang paniniwala ni Stephen David, abogado ni Napoles, nang muli niyang iginiit sa korte na walang kontrol ang huli sa mga NGO na tinukoy ng mga whistleblower na pinaglaanan ng kontrobersiya na Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng ilang mambabatas.
Ang pahayag ni David ay bilang reaksiyon ng depensa sa resulta ng imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa bank account ng mga NGO na sinasabing kontrolado ni Napoles.
Sinabi ni Atty. Leigh Vhon Santos, imbestigador ng AMLC, sa korte na mayroong kumpirmasyon para kay Napoles bago nakapag-withdraw mula sa account ng mga pekeng NGO bagamat hindi kabilang ang negosyante sa listahan ng mga opisyal ng mga kuwestiyunableng organisasyon o kabilang sa mga awtorisadong indibiduwal upang mag-withdraw.
Ang kopya ng mga withdrawal slip ay ipinakita sa media kung saan kumpirmado umano ni Napoles ang pagkuha ng salapi sa mga bangko.
“Bakit ang bangko iko-confirm kay Mrs. Napoles?” tanong ni David sa panayam ng media. “Wala naman siyang pakialam sa account na yun. Hindi naman siya iyon.”