Nanganib man ang buhay nang hindi kaagad makalapag ang sinasakyang eroplano sa Tagbilaran City, Bohol, lalong inilapit ni DILG Secretary Manuel “Mar” Roxas III ang “Daang Matuwid” ng administrasyon sa mga “bossing” nang hamunin kamakailan ng kalihim ang mga pamahalaang lokal na pabilisin ang rehabilitasyon ng mga imprastrukturang nawasak ng malakas na lindol noong nakaraang taon.

Nagpaikut-ikot muna sa ere ang eroplanong sinakyan ni Roxas bago napilitang lumapag sa Cebu City dahil sa masamang panahon. Nang makakuha ng clearance para lumapag sa Tagbilaran City ay saka lamang nakarating si Roxas sa Bohol at dumiretso sa Bohol Tropics Resort na roon idinaos ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council Meeting (PDRRMCM), at inalala ang mga nagawa sa rehabilitasyon ng lahat ng ahensiya at pamahalaang lokal isang taon makalipas ang binansagan ng mga Boholano na “Great Earthquake.”

“Hindi kayo pababayaan ng pamahalaan, hindi namin kayo iiwanan,” sinabi ni Roxas sa kanyang maikling talumpati. “Lubos namin kayong tutulungan ngunit ang mga Boholano lamang ang makatutulong para sa rehabilitasyon ng inyong lalawigan. Kaya pinupuri ko kayo sa mabilis na pagbangon ng Bohol!”

Nagpasalamat si Bohol Gov. Edgar Chatto sa ginawa ni Roxas na itinaya maging ang sariling buhay maipabatid lang sa mga lokal na opisyal ang hangarin ng Pangulong Benigno S. Aquino III na mapabilis ang rehabilitasyon sa lalawigan.

National

Año, ikinatuwa survey ukol sa suporta ng mga Pinoy sa hakbang ng gov’t sa WPS

“Kahanga-hanga si Sec. Roxas dahil sanay na siyang magtimpi na sa halip magalit sa mabagal na proseso ng rehabilitasyon sa Bohol ay mabilis na nagpanukala ng solusyon,” sabi ni Alex Paguia, na tubong Bulacan pero naninirahan na ngayon sa Tagbilaran City. “Ganyan ang kailangan natin sa Pilipinas, nagpapakita ng statesmanship sa halip na namumulitika. At mayroong political will na kailangan sa kaunlaran hindi lamang ng Bohol kundi ng buong bansa.”