Marami ang nagtatanong, ano raw bang talaga ang napapala ng bayan o ng mga mamamayan sa tila wala nang katapusan at sari-saring imbestigasyon isinasagawa ng Senado? Hindi raw kaya ito ay pag-aaksaya lamang ng pagod at salapi ng bayan? Sa dinami-dami raw ng mga iniimbestigahan ng Senado, may roon na bang maganda na naging resulta? Hindi raw kaya ito ay ginagamit lamang sa kapakinabangang personal at pampulitika ng ilan nating mga Senador?

Kung ang kolumnistang ito ang tatanungin, ang ginagawang mga pag-iimbestiga ng mga senador sa kung anu-anong isyu at anomalyang nagaganap sa bansa ay isa lamang moro-moro kaya isang maliwanag na pag-aaksaya lamang ng salapi at panahon. Isang panlilibang kina Juan dela Cruz para malimutan nila kahit na sandali ang dinaranas nilang gutom, paghihikahos at paghihirap. Pagkukunwari ng mga senador na marami silang ginagawa ngunit ang totoo, ay hindi gawa kung hindi ngawa.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Ang tanong ng bayan, ano ba ang kinahinatnan ng senate investigation? May nangyari ba? Ano ba ang naging resulta? Ang sagot: Wala! Ang naapektuhan ay ang kaban ng bayan na ginagastos sa bawat ginagawa nilang pag-iimbestiga. Sinasabi nila na ang ginagawa nilang pag-iimbestiga ay “in aid of legislation”. Aid anong aide? Baka band-aid?

Ang senado ay itinalaga para sa paglikha ng mga kinakailangang batas at hindi ang pag-iimbestiga. Kung kailangan ang imbestigasyon, nariyan ang NBI, at pulisya. Mayroon na tayong Ombudsman na kapag ang hinala o sumbong ay may basihan ay para iakyat naman sa Sandigan-bayan. E, bakit wala nang ginagawa ang mga Senador kung hindi ang mag-sagawa ng kung anu-anong imbestigasyon?

Ang totoo, ang ginagawang mga pag-iimbestigang ito ng mga senador ay isang kakatwang palabas. Halos ay wala na tuloy nagagawang tungkulin nila ang mga senador. Puro na lamang imbestigasyon kaya napabayaan ang mas importanteng mga bill. Ang FOI na dapat pag-ukulan ng panahon ay pinapantot. Marami pa, ngunit inuuna nga nila ang kung anu-anong imbestigasyon.