Nagbabala ang mga importer sa bansa sa inaasahang pagtataas pa ng presyo ng mga bilihin at iba pang produkto habang nalalapit ang Pasko, dahil pa rin sa problema sa port congestion.
Bukod sa problema sa pagkakaipit ng iba’t ibang produkto sa mga pantalan sa Maynila, talamak din umano ang “kotongan” mula sa mga security guard, traffic enforcer at kawani ng mga shipping company doon.
Upang makapasok ang mga walang lamang container van sa port, sinasabing nagbabayad ang importer ng P500 hanggang P2,000 para lamang maibiyahe ang mga inangkat na produkto.
Hanggang hindi pa nareresolba ng gobyerno ang port congestion ay asahang dodoble hanggang titriple ang taas-presyo sa mga bilihin, partikular ang Noche Buena items at mga prutas na karaniwang inihahanda sa Pasko.
Sa kabila nito, mahigpit ang monitoring ng gobyerno at naglunsad ng mga sorpresang pag-iinspeksiyon ang mga opisyal ng Department of Trade and Industriy (DTI), katuwang ang Department of Agriculture (DA), para siguruhing nasusunod ang suggested retail price (SRP) sa mga produkto sa Metro Manila.
Aminado ang DTI na nagsimula nang tumaas ang presyo ng hamon, keso de bola, gatas at fruit cocktail, habang bumaba naman ang presyo ng elbow macaroni at pasta.