Ni MITCH ARCEO

Maaari nang makaiwas ang Android users sa pagsisikip ng trapiko na dulot ng aksidente sa lansangan matapos ilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang accident alerts application para sa mga mobile user.

Ang mga real-time update sa mga aksidente sa lansangan ay maaaring ma-access ng Android users na magda-download ng MMDA Accident Alerts application.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, sa pamamagitan ng app ay magkakaroon ng maaasahang impormasyon tungkol sa mga aksidente sa mga pangunahing kalsada, gaya ng EDSA, C-5 Road, South Luzon Expressway, Roxas Boulevard, Quezon Avenue, España, Ortigas Avenue, Commonwealth Avenue at Marcos Highway.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“Motorists and even commuters will now be informed of all vehicular accidents along the major roads through this application. As such, they can plan their travel accordingly and avoid routes where accidents occur,” ani Tolentino.

Sinabi ng MMDA chief na magse-set up ng traffic navigator ang app. Ang mga impormasyon ay magmumula sa mga footage ng closed-circuit television (CCTV) at mga report ng mga traffic enforcer at iba pang kawani ng ahensiya. Oras-oras ang update at ang mga imahe na sa app ay makikita sa mga street at map view. May listahan at history din ng mga aksidente sa app.

Inihahanda na rin para maging compatible sa iOs system, sinabi pa ni Tolentino na mapapabilang din sa app ang tungkol sa mga bahang lugar at iyong may road reblocking.