Palibhasa'y anak ako ng magsasaka, wala akong pinalampas na seminar tungkol sa agrikultura at iba pang isyung pangkabuhayan. Ang naturang mga pagpupulong ay isinasagawa sa iba't ibang lugar, tulad ng Park ang Wildlife sa Quezon City. Madalas ko ring subaybayan ang mga seminar sa himpapawid, tulad ng Pangkat Kaunlaran sa DZMM na pinamamahalaan ni Ka Louie Tabing, ang tinaguriang dekano ng agrikultura. Itinataguyod din ang gayong programa sa iba pang himpilan ng radyo at telebisyon. At iisa ang kanilang adhikain: Mabigyan ng makabuluhang impormasyon ang mga mamamayan.
Ang wasto at kapaki-pakinabang na pag-aalaga ng kambing at tupa ay bahagi rin ng mga pagpupulong na pinag-aaksayahan ko ng panahon. Bunga nito, nahikayat akong mag-alaga ng naturang mga hayop na tunay na mapagkukunan din ng dagdag na kabuhayan, lalo na ang napagkukunan ng goat milk. Ingatan lamang na ang mga ito ay makawala sa kural sapagkat tiyak na makakalbo ang tanim nating mga gulay.
Natututuhan din natin ang mga pamamaraan sa paggawa ng longganisa, virgin coconut oil, pag-aani ng kabute, at marami pang iba. Ang ganitong programa ay nakatutulong nang malaki sa kabuhayan ng taumbayan.
Nagkaroon din ako ng ibayong interes sa tinatawag na sexual propagation at asexual propagation. Ang mga teknikal na pamamaraan ay isinasagawa upang pabilisin ang pamumunga ng mga punongkahoy. Sa simpleng paliwanag ng teknolohiyang ito, binigyang-diin naman ni Dr. Bernie Dizon na pinagdudugtong lamang ang puno (rootstock) ng native trunk at ang puno ng mahuhusay na halaman. Sa ganitong sistema, madali ang pagpapabunga, hindi tulad ng buto (seeds) na masyadong matagal kung mamunga.
Ang ganitong mga breakthrough na laging tinatalakay sa mga seminar ay marapat palaganapin ng mismong Department of Agriculture. Ang mga prutas, bukod pa siyempre sa bigas at mais, ay lubhang kailangan sa nutrition program ng gobyerno.