Nakuha ba niya ang basbas ni Pangulong Benigno S. Aquino III para sa kanyang pagkandidatong presidente sa 2016?
Kapansin-pansin ang pagsigla ni Vice President Jejomar C. Binay matapos ang tatlong oras nilang “friendly talk” ng Pangulo sa Bahay Pangarap noong gabi ng Oktubre 14, at maaaring maghinalang nakuha na niya ang pinakahahangad na pag-endorso ng Punong Ehekutibo bilang kapalit nito.
Maging sa pagdalo niya noong Miyerkules sa Pag-IBIG Fund National Capital Region Developers’ Forum sa Quezon City ay hindi maikakaila ang kakaibang sigla ng Bise Presidente.
“Personally I’ve never seen the Vice President more buoyant,” sinabi noong Huwebes ni Cavite Gov. Jonvic Remulla, tagapagsalita ni Binay.
Matagal nang inihayag ni Binay ang pangarap niyang maiendorso ni Pangulong Aquino sa 2016. Sinabing walang imposible sa pulitika, inihayag niya noon ang ideya na i-adopt siya ng administrasyon bilang guest candidate sa pagkapangulo sa 2016. - JC Bello Ruiz