Sa kabila ng pagdepensa kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, hindi pa rin nakatitiyak na makaaani ng suporta si Vice President Jejomar C. Binay sa Lakas-CMD, ang partido pulitikal ni GMA.

Noong Martes, kinuwestiyon ni Binay ang patuloy na pagkakakulong ni Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa kabila ng panawagan ng mga human rights advocate hindi lamang sa Pilipinas ngunit maging sa ibang bansa na palayain ang dating pangulo dahil ito ay may seryosong karamdaman.

Si Arroyo, chairman emeritus ng Lakad-CMD na may malakas na political base sa iba’t ibang sulok ng bansa, ay nahaharap sa kasong plunder kaugnay sa paglulustay umano ng P366 milyong intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Kabilang sa mga nananawagan na payagang makapagpiyansa si Arroyo ay si international human rights lawyer na si Amal Alamuddin na nag-alok na dadalhin ang kaso ng dating pangulo sa United Nations human rights body.

Bong Revilla, Jinggoy Estrada kumambiyo rin sa Adolescent Pregnancy Bill

“Even political enemies have rights,” ang naging pahayag ni Alamuddin, may bahay ng Hollywood actor na si George Clooney, nang bumisita ito sa Maynila noong Mayo.

Sinabi ni dating House Minority Leader Danilo Suarez na wala pa ring negosasyon sa pagitan ng Lakas-CMD at United Nationalist Alliance (UNA) sa usapin hinggil sa pagbubuo ng alyansang pulitikal para sa May 2016 elections.

Naniniwala rin si Suarez na ang endorsement ni Arroyo ay hindi na maituturing na “kiss of death” para sa mga pulitikong nais tumakbo sa ilalim ng Lakas-CMD. - Ben Rosario