IBINASURA ng Quezon City Prosecutors’ Office ang kasong rape by sexual assault na isinampa noong Abril ng isang lesbian na stuntwoman na nakasama sa trabaho ni Vhong Navarro dahil sa kawalan ng probable cause.
Sa limang-pahinang resolusyon, tinukoy ni Assistant City Prosecutor John Patrick Corpuz ang ilang dahilan kung bakit ibinasura ang reklamo ni Margarita “Mai’’ Fajardo.
Sa reklamo ni Fajardo, sinabi niyang pinuwersa siya ng It’s Showtime host na mag-oral sex, pero sinabi ni Corpuz na walang alegasyon na pinagbawalan siyang magsumbong o tinakot siya ni Vhong. Hindi rin nabanggit na may armas ang huli, bukod pa sa may malaytao si Fajardo at hindi naman 12-anyos nang mangyari ang insidente sa loob umano ng SUV ng aktor sa nalalabing araw ng taping ng teleseryeng Betty Lafea limang taon na ang nakalilipas.
Si Fajardo, na may taas na 5’7” ay freelance stuntwoman at nagdodobol sa iba’t ibang television network at pelikula sa nakalipas na mahigit 10 taon.
Sinabi pa ni Corpuz na hindi rin naipaliwanag ni Fajardo kung paano siya pinuwersa ni Vhong na magsagawa ng oral sex dito, bukod pa sa hinawakan umano ng TV host ang maselang bahagi ng katawan ng babae.
“The degree on how the said action were made are necessary to determine whether or not complainant who is able bodied and of sound mind was deprived, vitrated and impaired of freedom to struggle and resist the forceful act being inflicted on her person,’’ anang resolusyon ng korte.
Sinabi pa ni Corpuz na hindi rin natukoy ang abuse of authority sa insidente dahil walang nabanggit na pananakot mula sa TV host.
Ayon pa sa resolusyon, walang dahilan para matakot si Fajardo kay Vhong dahil maraming tao sa labas ng sasakyan nang mangyari ang insidente, at ang komento umano ng babae na “Okay ha baba na ‘ko” ay hindi babanggitin ng isang takot na takot at katatapos lang sumailalim sa seksuwal na pang-aabuso.
Bukod kay Fajardo, nagsampa rin ng kasong rape laban kay Vhong ang beauty pageant contestant na si Roxanne Cabanero at ang modelong si Deniece Cornejo.