“Mas maganda siya na lang ang tanungin ninyo.”
Ganito ang naging pahayag ni Jose Rizal University (JRU) coach Vergel Meneses ng kapanayamin ng mga miyembro ng NCAA Press Corps matapos ang ginawa niyang pagbangko sa ace guard na si Philip Paniamogan sa kanilang Final Four match ng Arellano University (AU) noong nakaraang Miyerkules ng hapon sa MOA Arena sa Pasay City para sa NCAA Season 90 basketball tournament.
Walang naipakitang magandang laro si Paniamogan na nagawa lamang makapagbuslo ng isa buhat sa ginawa niyang 7 field goal attempts sa loob ng 14 na minutong inilaro niya sa loob ng court.
Nakapagtala lamang si Paniamogan ng 3 puntos ngunit mayroon naman siyang 4 rebounds, 1 assist at steal at block. Naitala nito ang apat na turnovers.
“Siyempre inasahan ko si Philip (Paniamogan). Kung umiskor lang sana siya kanina siguro hindi nagkaganon. Buti na lang pumutok si Jaycee (Asuncion). Kaya lang medyo huli na,” ayon kay Meneses.
Umiskor si Asuncion ng 19 puntos, 10 dito ay isinalansan niya sa fourth period kung saan ay muntik pa nilang naitabla ang laro bago tuluyang yumukod sa Chiefs, 65-72.