Mainam na kasangkapan ang mga survey. Ginagamit ang mga ito ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya upang mabatid ang kanilang palad na magwagi. Ginagamit din ang mga ito ng mga negosyante upang madetermina ang pinakamaiinam na paraan na ilako ang kanilang mga produkto. At ginagamit ang mga ito ng mga gobyerno upang malaman ang pulso ng publiko sa napakaraming isyu, kabilang ang kanilang performance.

Sa mga demokrasya, pinakamainam na batayan ng opinyon ng publiko ang mga eleksiyon. Ngunit sa pagitan ng mga eleksiyon, ang pinakamainam na paraan upang malaman ang pag-iisip at pakiramdam ng taumbayan ay sa pamamagitan ng mga survey na karaniwang pinagtutunan ng mga interesadong partido.

Sa mga unang taon ng administrasyong Aquino, ang positibong mga rating para sa Pangulo ay nasa 70s – na totoong mataas na persentahe. – na nagpapatunay sa matinding suporta ng bansa para sa bagong leader na nangakong alisin ang katiwalian sa gobyerno. “Kung walang corrupt, walang mahirap” anang campaign slogan. Nangako ang Pangulo at ang kanyang gobyerno na tatahakin nito ang Daang Matuwid.

Ngayon, pagkalipas ng apat na taon at apat na buwan ng administrasyon, ang pinakahuling survey ng isa sa dalawang top polling organization – ang Pulse Asia – ibang-iba ang resulta ng mga survey. Hiniling na magkomento ang mga respondent sa pangungusap na: “President Aquino has fulfilled his promise to follow a straight path.”

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ang resulta: 29% ang sumang-ayon, 36% ang hindi sumang-ayon, 34% ang hindi nagkomento. Mahigit 70% na tumanaw sa bagong pangulo na may pag-asa sa 2010 ay bumaba ng mahigit 30% - isang pagbaligtad ng situwasyon.

Maaaring tanggihan ng mga opisyal ng administrasyon ang pinakahuling survey results at sabihing hindi ito totoo – ito ang karaniwang reaksiyon ng mahihina sa kahit na anong survey. Ngunit magagamit din naman nila ang mga resulta. Maaari nilang baguhin ang kanilang mga polisiya – tingnan kung saan sila nagkamali sa mata ng taumbayan, na mga soberanya sa isang demokrasya, at kumilos nang nararapat.

Saan nagkulang ang mga opisyal ng administrasyon sa mga inaasahan ng taumbayan? Sa halatang pagkiling ba sa paraan na tanging mga opisyal lamang ng oposisyon ang nahatulan at nakulong, kung kaya lumutang ang mga akusasyon ng selective justice? Sa pag-aatubili ba ng Pangulo na na isuko ang kanyang malalapit na kaibigan at kaalyado sa harap ng mga ebidensiya ng kanilang kakapusan sa kakayahan at katiwalian? Sa tuluy-tuloy ba na pagdurusa ng mga maralita – na humaharap sa matataas na presyo ng mga bilihin, pati na sa singil sa tubig at kuryente, at mahahabang pila ng mga commuter sa mga estasyon ng tren na tumitirik halos araw-araw?

Maaari ngang napakainam na kasangkapan ang mga survey, kung ang mga resulta nito ay gagamitin bilang mga gabay para sa angkop na hakbang sa pamamahala.