Pinayuhan ng isang operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) na naging Internet sensation nitong weekend sa pagtulong sa isang magasawa na tumirik ang sasakyan sa EDSA sa Quezon City, ang mga kapwa niya pulis na magsilbing huwaran ng kabutihan at ugaliin ang pagtulong sa kapwa.
Ito ang ipinaalala ni SPO1 Ariel Camiling, na nakatalaga sa Police Station (PS-8) sa P. Tuazon sa Project 4, sa mga kapwa niya pulis matapos siyang maging popular matapos tulungan si Joann Angeles Delos Santos at ang asawa nito sa pagkukumpuni ng nasirang sasakyan ng mga ito.
“Basta importante lang maging seryoso sila sa pagseserbisyo bilang pulis, isapuso nila ang pagtatrabaho nila at tumulong sila sa abot ng kanilang makakaya,” sinabi ni Camiling sa isang panayam.
Sinabi ni Camiling na pinatunayan lamang niya sa mag-asawa at sa publiko na hindi lahat ng pulis ay corrupt o mapagsamantala sa mahihina at nangangailangan.
“Marami pa ring pulis na mababait. Hindi naman lahat ng pulis, eh, involved sa anomalya or may mga kaso,” aniya. Kumalat sa Internet ang kabutihang loob ni Camiling sa gitna ng negatibong publicity ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagkakasangkot ng ilang pulis sa mga ilegal na gawain. - Francis T. Wakefield