Judy-Ann-Santos-copy (1)

GINANAP ang grand launch ng Sineng Pambansa Horror Plus Film Festival ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) noong Miyerkules. Dapat ay dadalo ang buong cast ng apat na pelikulang kalahok, pero si Judy Ann Santos-Agoncillo, hindi na nakadalo dahil na-confine na sa hospital dahil sa sunud-sunod na trabaho. 

Tinapos ni Juday ang shooting ng T’yanak na kasali sa filmfest at may taping pa siya ng dalawang show niya sa ABS-CBN, hindi na kinaya ng katawan niya. 

Ipinaalam ni FDCP Executive Director Teddy Granados na may partnership sa film festival ang GMA Network at SM Cinemas, kaya ipalalabas ang apat na kalahok na pelikula, ang T’yanak nina Peque Gallaga at Lore Reyes, Hukluban ni Gil Portes, Sigaw sa Hatinggabi ni Romy Suzara at Bacao ni Edgardo “Boy” Vinarao sa tigdalawang theaters sa lahat ng SM Cinemas nationwide simula sa October 29 to November 4, in time for the Halloween.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Puro batikan ang mga direktor ng pelikulang kasali, kaya tiyak na mag-eenjoy ang film buffs sa panonood sa festival na ito.

Masaya ang presscon dahil kahit horror films ang ipalalabas ay nag-comedian ang mga director sa pagkukuwento ng mga karanasan nila sa shooting ng kanilang mga pelikula.

Aminado sina Direk Peque, Direk Lore at Direk Romy na kailangan silang sumabay sa uso ngayon, ang paggawa ng indie films, dahil kung hindi’y mawawala na sila ngayong napakaraming young filmmakers na hindi nagsasawang gumawa ng indie.

Maliit lang ang subsidy na ibinigay ng FDCP, two million pesos each sa tatlo, at one million pesos lamang para sa post-production works sa Bacao dahil nai-shoot na ni Direk Boy Vinarao ang suspense-thriller mainstream movie, na may producers, bago nila ito isinama sa Horror Festival. Kaya biro nga, ang Bacao ang plus sa title na Horror Film Festival Plus dahil hindi ito horror.

Pinaka-star-studded ang T’yanak dahil kuwento ni Direk Lore, kinailangan nilang isama sa cast na binubuo nina Judy Ann, Solenn Heussaf, Tom Rodriguez at Sid Lucero sina Ricky Davao, Alessandra de Rossi at Paolo Contis kahit sinabi na nila na wala silang pambayad ng talent fee, libre lang ang food sa shooting. Sagot daw ng mga ito, sila pa ang magdadala ng pagkain sa set, isama lang sila.

Pero ang isa pang plus factor ng T’yanak, parehong a-appear ang original na Tiyanak leads na sina Janice de Belen at Lotlot de Leon.

Kuwento naman ni Direk Romy, bago niya ginawa ang Sigaw Sa Hatinggabi, lagi niyang napapanaginipan sina late Fernando Poe, Jr. at Rudy Fernandez kaya pinuntahan niya si FPJ sa La Loma Cemetery at kinausap pero wala naman siyang nakuhang sagot. Pinuntahan din niya si Rudy sa The Heritage, pero sarado raw ang musoleo kaya hindi siya nakapasok, so wala rin siyang nakuhang sagot sa tanong niya kung bakit lagi niyang napapanaginipan ang mga ito. Story ng isang battered wife na hindi alam kung pinatay o nag-suicide ang asawa. 

Muntik namang malunod si Krista Miller sa isang eksenang nasa dagat siya dahil tinangay siya ng agos ng tubig. Si Direk Gil ang natakot na ulitin ang eksena dahil baka hindi nila matapos, pero very professional daw si Krista, nagpahinga lang at itinuloy pa rin ang shooting.

Magkakaroon ng gala premiere ang apat na pelikula, sa Lunes, October 20 ang Bacao sa SM Megamall; Hukluban sa October 21 sa SM North EDSA, T’yanak sa October 22 sa SM Megamall at Sigaw Sa Hatinggabi sa October 23 sa SM North EDSA. Dadaluhan ang premiere nights ng bawat isang film director, cast and crew at bukas ito sa public for free, on a first-come-first-served basis, due to limited seating capacity.