Extortion ang nakikitang dahilan sa pagpapasabog sa bahay ng isang district engineer sa Basilan noong Miyerkules ng gabi.
Sinabi kahapon ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office, batay sa isinagawa nilang imbestigasyon, na lumilitaw na pangingikil ang motibo ng pagpapasabog sa bahay ni Engr. Soler Isnain Undug, district engineer ng Lamitan City, at residente ng Purok Yakal, Barangay San Rafael, Isabela City, Basilan.
Naganap ang pagsabog dakong 11:00 ng gabi sa loob ng bakuran ng biktima.
Sa naturang pagsabog, nasira ang isang steel cottage at ang Toyota Avanza na pag-aari ng biktima.
Ayon sa report ni Isabela City Police Chief Supt. Albert Larubis, wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.
Nagpahayag naman ang pulisya na bago naganap ang insidente, may limang insidente ng pagsabog ng granada at bomba ang naitala sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan simula pa noong Setyembre, at kagagawan umano ito ng Abu Sayyaf.