Ibinunton ng private prosecutor ng kontrobersiyal na Maguindanao massacre ang sisi sa Department of Justice (DoJ) at sa prosecution panel, ang pagpapahintulot ng Quezon City Regional Trial Court sa 17 na tauhan ng Philippine National Police (PNP) na makapagpiyansa kaugnay ng nasabing kaso.
Inihayag ni Atty. Nena Santos, abugado ni Maguindanao governor Esmael “Toto” Mangudadatu, na ang nasabing hakbang ng hukuman ay inaasahan na ng kanilang kampo at resulta umano ito ng maagang pagsasara o pagpapahinto ng public prosecutors sa “presentation of evidence.”
Aniya, walang ibang magagawa ang hukuman kundi payagan ang mga akusado na makapaglagak ng kaukulang piyansa kung mahina ang ebidensya.
Naiintindihan na aniya ng publiko ang kanilang pagnanais noon na ihabol pa sana ang ibang testigo at ebidensya ngunit ibinasura lamang ng DoJ ang apela ng mga ito.
“Labis na dis-appointed po kami sa nangyari sa kaso. Hindi dapat nagkaganun,” panghihinayang pa ni Santos.
Matatandaang sumingaw ang usaping nagkaroon ng multimilyong “suhulan” sa panig ng taga-usig na nagresulta sa pagpapahinto ng prosecution panel sa pagharap sa hukuman ng mga tesitgo at mga ebidensya.