Nagpahayag ng paniniwala si Caloocan City 2nd District Rep. Edgardo “Egay” Erice na mas pinaniniwalaan ng publiko ang mga whistleblower sa kontrobersiyal na Makati City Hall Building 2 kaysa Vice President Jejomar Binay.

Ayon kay Erice, ito ay sinasalamin ng resulta ng mga survey sa bumababang rating ni VP Binay matapos ang exposé ng grupo ni dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado.

“Matalino naman ang mga mamamayan, collectively they can discern kung ano ‘yung makatotohanan at kung hindi. Palagay ko kaya bumababa si VP Binay ay ayaw niyang humarap,” pahayag ni Erice.

“Mahirap magsinungaling, mahirap magsabi ng hindi katotohanan kung marami na yung nagtatanong,” sabi Erice, na isang opisyal ng Liberal Party (LP).

Bong Revilla, Jinggoy Estrada kumambiyo rin sa Adolescent Pregnancy Bill

Ipinaliwanag ng mambabatas na bumulusok ang trust at approval rating ni Binay, itinuturing na pinakamatunog na standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA) sa 2016 presidential elections, bunsod ng isyu ng mga umano’y multi-bilyong pisong anomalya sa Makati City noong ito ay nanunungkulan pa bilang punongbayan ng siyudad.

“Si Vice Mayor Mercado ay sanggang-dikit ni VP Binay. Halos magkadugtong ang kanilang pusod. Halos alam lahat ng sikreto niya,” pahayag ni Erice. - Ellson A. Quismorio