Sa ikatlong pagkakataon, hinagisan muli ng granada ng isang lalaking lulan ng motorsiklo ang Tondo Police Station (Station 1) ng Manila Police District noong Martes ng hatinggabi.
Batay sa ulat ng MPD, wala namang nasaktan o nasugatan sa pag-atake bagamat isang tricycle at isang tent ang tinamaan ng shrapnel sa tabi ng estasyon ng pulisya na matatagpuan sa Raxabago, Tondo.
Ayon kay MPD Station 1 chief, P/ Superintendent Virgilio Viloria, ang pag-atake, na naganap dakong 11:45 ng gabi, ay maaaring ganti sa mga pulis matapos nilang maaresto ang tatlo katao kamakailan dahil sa pag-iingat ng mga armas at granada.
Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, namataan ang suspek na lulan ng motorsiklo ngunit hindi naman naplakan ito.
Isang MK2 fragmentation grenade ang ginamit ng suspek sa pagpapasabog.
Matatandaang una nang hinagisan ng granada ang naturang estasyon ng pulisya noong Abril 24 na ikinasira ng ilang nakaparadang sasakyan ng mga pulis at nitong Oktubre 6 kung saan isang pulis ang nasugatan.