Nina BETH CAMIA at NINO LUCES

“Hindi bulok ang mga de-lata.”

Ito ang mariing depensa ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman sa ulat na expired at nabubulok na ang ilang relief goods na ipinamigay sa Mayon evacuees sa Albay.

Iginiit ng kalihim na hindi bulok ang mga de-lata sa food packs kundi maaaring pumutok lang ang mga lata, gaya ng sa sardinas, habang nasa biyahe.

National

84% ng mga Pinoy, suportado hakbang ng gov't sa WPS – OCTA

“Posibleng dahil sa hindi maayos na pagkakasalansan ng mga sako na may lamang anim hanggang pitong food pack. May anim na kilong bigas at anim na de-lata ang kada food pack, kaya pumutok ang mga de-lata,” pahayag ni Soliman.

Ayon kay Soliman, buong araw siyang nag-ikot sa Albay noong Martes upang siyasatin ang relief goods.

“Pumutok po ang 33 foodpacks mula sa 32,450 na lata ng sardinas kaya na-contaminate po ‘yung mga bigas. 2016 pa po ang expiration ng mga de-lata. Na-retrieve pa namin ‘yun at pinalitan na po,” paglilinaw ng kalihim.

“Hindi po iyon naibigay sa mga tao dahil ‘yung camp manager mismo at ‘yung mga municipal social welfare and development offices ang naginspect bago nila ipinamigay,” dagdag pa ni Soliman.

Samantala, inamin ni Soliman na mayroon 60 expired instant noodle packs sa naturang batch ng relief goods na Setyembre 2014 ang expiration date.

"Hindi ho dapat na pumasok ‘yun kasi nga ‘yung bawat sako na ‘yan nakalagay ‘yung expiry ng lahat ng aming goods so pinaiimbestigahan ko ho, una ‘yung supplier, pangalawa ‘yung manager ng warehouse, kung bakit pumasok ‘yung 60 noodles,” ani Soliman.

Sinabi ni Soliman na lahat ng dinala sa Albay ay kade-deliver lang sa nakalipas na dalawa hanggang tatlong buwan dahil lahat ng preposition goods ay naubos nang ipinamahagi sa mga nasalanta ng bagyong ‘Mario’.

Matatandaang kinumpirma noong Martes ni DSWD-Region 5 Director Arnel Garcia na may anim na lata ng sardinas at pitong lata ng corned beef ang nadiskubreng bulok sa Daraga; anim na family food pack na karamihan ay de-lata ang hindi napakinabangan sa Sto. Domingo habang nadiskubre naman ang bahagyang napinsalang food items sa Malilipot, Albay na ipamamahagi sana sa evacuees noong Lunes.

Sinabi ni Garcia na nitong Linggo lang idineliver ng gobyerno sa Albay ang nasabing relief goods. Sa isang panayam, sinabi naman ni Harry Mayor, camp manager at principal ng Anislag Elementary School sa Daraga na 21 sako ng relief items ang natanggap nila.

“We only counter check the 2 sacks and we discovered there were deformed canned goods and the rice contains some insects but no expired items,” ani Mayor.