MALALAMAN na ng televiewers kung may ibubuga nga ba sa drama o pagganap ang isa sa mga naging paboritong Pinoy Big Brother All In housemates at naging second big placer na si Maris Racal dahil isasabak na siya sa Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN ngayong Sabado.
Gaganap si Maris bilang si Myla, ang mapagmahal at masipag na anak ng seaman na si Dionisio (gagampanan ni Nonie Buencamino).
Kaisa-isang babaeng anak kaya paborito ng ama si Myla. Sa kabila ng pagtatrabaho sa ibang bansa, hindi nawala ang pagiging malapit ng magama sa isa’t isa. Palaging pinaaalalahanan ni Dionisio si Myla na magsikap upang makamit ang kanyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral. Ngunit magkakalamat ang samahan ng mag-ama nang dumaan sa pagsubok ang relasyon ni Dionisio sa kanyang asawa.
Sa gitna ng matinding pagsubok, ano ang magiging mas matimbang para sa isang anak -- ang kasalukuyang mga pagkukulang ng kanyang ama o ang ipinadama nitong wagas na pagmamahal at suporta mula pagkabata niya?
Makakabituin nina Maris at Nonie sa episode na ito sina Dexie Daulat, Mickey Ferriols, Eva Darren, Tony Mabesa, Encar Benedicto, Jong Cuenco, Alfred Labatos, Yogo Singh, at Lui Manansala, mula sa script nina Arah Jell Badayos at Joan Habana at sa direksyon ni Garry Fernando.