Ipinag-utos ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang pagsibak kay Brig. Gen. Normando Sta. Ana bilang hepe ng AFP Medical Center (AFPMC) bunsod ng kontrobersiya sa umano’y maanomalyang pagbili ng P80-milyon halaga ng medical supplies.

Sinabi ni Catapang na ipinalabas nito ang relief order kay Sta. Ana upang magbigay-daan sa patas at masusing imbestigasyon sa sinasabing iregularidad.

“Mas magandang wala muna siya (Sta. Ana) sa puwesto so he can not influence the investigation,” ani Catapang.

Itinalaga ng AFP chief ang deputy commander ng AFPMC na si Col. Benedicto A. Jovellanos bilang officer-in-charge ng pasilidad.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ito ay matapos maghain ng reklamo ang isang Renato Villafuerte sa Office of the Ombudsman na bumili ang AFPMC, sa pamumuno ni Sta. Ana, ng P80-milyon halaga ng medical supplies nang walang kaukulang bidding.

Nakumpleto rin umano ang transaksiyon sa pagbili bagamat hindi pa naaaprubahan ang budget para rito, ayon sa reklamo ni Villafuerte.

Sinabi ni Lt. Col. Harold M. Cabunoc, hepe ng AFP Public Affairs Office (PAO), na bukod kay Sta. Ana, iniimbestigahan din sa medical supplies anomaly sina Lt. Col. Florencio Capulong, special disbursing officer; Major Neil Bugarin, hepe ng management and fiscal office; at Col. Rogelio Del Rio, acting assistant chief of staff for logistics. - Elena Aben