Lima pang kandidato sa nakaraang eleksiyon ang nahaharap sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code (OEC) matapos umanong madiskubre ng Commission on Elections (Comelec) Campaign Finance Unit (CFU) na gumastos ang mga ito sa kampanya ng higit sa itinakda ng batas.

Kabilang sa mga kinasuhan ay sina Florencio Narido (congressional candidate, Camiguin); Rogelio Delapa (provincial board member candidate, Batanes 2nd District); Periolo Banaag (provincial board member candidate, Camiguin 2nd District); Pedro Horcajo (provincial board member candidate, Batanes 1st District); at Benasing Macarambon Jr. (congressional candidate, Lanao del Sur 2nd District).

Sa reklamong inihain ng CFU sa Comelec Law Department, napagalaman na ang lima ay lumabag sa Omnibus Election Code sa probisyon sa campaign spending base sa kanilang isinumiteng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Nakasaad sa Section 100 ng OEC na walang kandidato ang dapat na gumastos sa kampanya ng higit sa itinakda sa Republic Act No. 7166 of 1991 kung saan nakasaad na ang bawat kandidato sa pagkapangulo at pagka-bise presidente ay maaari lamang gumastos ng P10 sa kada botante at sa ibang kandidato ay itinalaga sa P3 kada botante, habang ang kanilang partido pulitikal ay hanggang P5. - Leslie Ann G. Aquino

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho