Ni MARS MOSQUEDA JR.
TAGBILARAN CITY, Bohol – Eksaktong 33 segundo nang kumalembang ang kampana ng St. Joseph Cathedral sa Tagbilaran City kahapon na sinabayan malalakas na ingay ng sirena ng mga police car at ambulansiya.
Eksaktong isang taon na ang nakararaan, binulabog ang mga Boholano ng 7.2 magnitude na lindol. Ang nakaririmarim na eksena, na naganap ng 8:12 ng umaga, ay tumagal ng 33 segundo kung saan bumagsak ang mga lumang simbahan, gumuho ang mga bahay, nawasak ang mga tulay at kalsada at namatay ang mahigit 200 katao.
“Iyon na yata ang pinakamahabang 33 segundo na naranasan ko,” pahayag ni Mamerto Maghanoy, 33. Nakaligtas si Maghanoy sa peligro nang tumalon ito sa bintana ng kanyang bahay bago tuluyang gumuho ang istraktura.
Kahapon, nagtipun-tipon ang libu-libong Boholano sa St. Joseph Cathedral sa siyudad na ito upang dumalo sa misa at gunitain ang mapait nilang karanasan sa tinaguriang “killer quake”.
Nang unang patunugin ang kampana ng Katedral dakong 8:12 ng umaga, nabalot sa katahimikan ang kapaligiran. Habang nagpapatuloy ang pagkalembang, nagsimulang lumuha ang mga Boholano sa naranasan nilang trahedya.
“Tayo ang nagtitipun-tipon dito upang magdiwang. Ito ay hindi tungkol mga nawasak nating tahanan o pagkamatay ng ating mga mahal sa buhay. Ito ay upang ipagdiwang natin ang pagmamahal ng Diyos, na siyang dahilan upang tayo ay makabangon at harapin ang mga pagsubok na dulot ng kalamidad,” sabi ni Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso sa kanyang sermon.
Nang matapos ang misa, ipinakita sa pamamagitan ng isang projector, na itinayo malapit sa altar, ang isang slideshow ng matinding pinsala na idinulot ng malakas na lindol. Sa malaking puting lona ay ipinakita rin ang mga pangalan ng mga namatay sa insidente, marami pa rin sa kanila ang hindi pa natatagpuan.