Noong kalagitnaan ng dekada sisenta, nag-enroll ako sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman, Quezon City. Iyon ang una kong paglalakbay sa labas ng Maynila. Kahit sa panahong iyon, ang Tondo ay isa na sa mga komunidad na may pinakamalaking populasyon. Laking gulat ko nang makita ko, sa unang pagkakataon, ang kapaligiran ng isang bukirin sa UP at napakaganda niyon. Nagbalik ang alaala ng bahaging ito ng aking buhay nang maglakbay ako kamakailan sa Taiwan. Ang lalong mahalaga, nakita ko kung ano ang magandang ginagawa ng mga Taiwanese sa kanilang bukirin, na maaaring gawin din sa Pilipinas.
Ang tinutukoy ko ay ang farm tourism o recreational agriculture, isang bagong industriya sa Taiwan. Ayon sa website ng Tripod.lycos.com, ang mga bisita sa tourist farms ay pinapayagang mamitas ng prutas o gulay. May mga nakalaan ding lugar para sa pagsasalu-salo, pagmamasid sa mga ibon, at iba pang aktibidad. Mahigit 2,000 ektarya ang ginawang tourist farms sa Taiwan hanggang 2001. Noong Hulyo 2002, umabot sa 33 recreational farms ang napagtibay ng Taiwan Council of Agriculture.
Ang modelo ng tourist farm o recreational farm sa Taiwan ay maaaring isagawa upang pakinabangan ang maraming nakatiwangwang na lupain sa paligid ng Metro Manila. Ang nakita kong tourist farm sa Taiwan ay may sukat na isa o dalawang ektarya lamang. Ang mga tourist farm ay makaaakit din ng mga lokal na turista. Halimbawa, ang mga residente sa mga lungsod ay tiyak na masisiyahan na makita ang mga puno na hitik sa bunga gaya ng lansones at mangga. Magandang aktibidad ang pangingisda kung magagawa ito nang hindi kailangang maglakbay sa malalayong lalawigan. Ang maliliit na sukat ng lupa ay maaaring gawing palaisdaan hindi para sa produksyong kalakalan kundi para sa mga turista na nais maranasan na mamingwit ng isda para sa kanilang pananghalian.
Ang bentahe ng pagtatatag ng tourist farms malapit sa mga lungsod sa Metro Manila ay ang malapit na distansiya. Madali para sa mga lokal na turista na magtungo sa mga dakong ito para maranasan kahit isang araw lamang ang kapaligiran ng isang bukirin.