Nagpahayag ng pangamba ang isang grupo ng trucker, importer at broker sa posibleng kakulangan sa supply ng prutas, karne at iba pang produktong pagkain habang papalapit ang Pasko, bunsod ng problema sa cargo congestion sa Port of Manila.

“Ito ay may negatibong epekto, parang domino effect. Ang pagkakaantala sa delivery ng produkto—mula sa port hanggang sa mga supplier tapos at sa retailers tulad ng mga supermarket—ang naglalagay sa mga ordinaryong consumer sa alanganin,” ayon kay Mary Zapata, pangulo ng Aduana Business Club.

“Posibleng magbayad sila sa mas mahal na presyo, o walang mabili dahil walang supply,” dagdag niya.

Ang pinangangambahang kakulangan sa supply ng pagkain ay bunsod ng pagkabigo ng mahigit 30 international at local shipping lines na makadaong at maidiskarga ang kanilang kargamento sa Manila International Container Port (MICP) at Port of Manila (POM).

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Ang pagsisiksikan din ng mga kargamento sa mga daungan ang dahilan kung bakit nagsagawa ng boycott ang mga kumpanya ng barko bunsod na rin ng kakulangan sa pasilidad upang mabilis na maidiskarga ang mga kalakal.

Lulan ng mga barkong hindi nakapagdiskarga ang mga imported food item, baby products, beauty products at hardware supplies.

Sinabi ni Stephen Cua, ng Philippine Amalgated Supermarkets Association, na malaki ang posibilidad na mararanasan ang food shortage sa Christmas season kung hindi babawasan ang nagsisiksikang kargamento sa mga daungan sa Maynila.