Hinimok ng mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang gobyerno na pagkalooban ng executive clemency at palayain na ang matatanda at may malalalang sakit na bilanggo para sa humanitarian reasons.
Nabatid na mayroong 400 visitor-less, indigent, sick and old (VISO) na bilanggo sa bansa ngunit 40 kaso lang ang inirekomenda ng Board of Pardons and Parole (BPP) para sa executive clemency.
Ikinalulungkot naman ni Rodolfo Diamante, executive secretary ng CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (ECPPC), na ang mga kaso ay ipinare-reevaluate pa ni Pangulong Benigno S. Aquino III.
Umapela naman si CBCP-ECPPC Chairman Bishop Leopoldo Tumulak sa Pangulo na pagbigyan na ang kahilingan ng BPP para mapalaya na ang naturang 40 bilanggo.
Bagamat pinipilit naman, aniya, ng gobyerno at prison ministry na maibigay ang pangangailangan ng mga VISO prisoner, higit umanong nais ng mga ito na makalaya na dahil napagsilbihan na naman ng mga ito ang mga kasalanang nagawa.
Gugunitain ng Simbahan ang 27th Prison Awareness Week, kasabay ng selebrasyon ng National Correctional Consciousness Week mula Oktubre 20 hanggang 26.