Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) na ipalipat ng piitan ang isang akusado sa Maguindanao massacre case sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.

Sa resolusyon na isinulat ni Associate Justice Ramon Bato Jr., sinabi ng CA na hindi inabuso ni QC-RTC Judge Jocelyn Solis-Reyes ang kanyang kapangyarihan nang ipag-utos nito ang paglilipat ng piitan ni Takpan Dilon, isang dating militiaman na sumasailalim kay Mayor Zacaria Sangki Ampatuan ng Ampatuan, Maguindanao.

Sa kanyang petisyon sa CA, sinabi ni Dilon na malalagay sa peligro ang kanyang buhay kung ililipat siya sa Camp Bagong Diwa dahil ikinokonsidera ng Department of Justice (DoJ) na gamitin siyang state witness sa kaso.

Mas tumindi ang pangamba ang Dilon dahil ang ilan sa mga kapwa niya akusado ay humiling na mailipat siya sa Camp Bagong Diwa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Una nang hiniling ng Witness Protection Security and Benefit Program ng DoJ na manatili si Dilon sa kustodiya ng PNP sa Quezon City.

Sinabi ni WPSBP Director Martin Menez na ang malalim na kaalaman ni Dilon sa krimen, na isinangkot niya ang maiimpluwensiyang pulitikong tulad ng mga Ampatuan, ang dahilan kung bakit nais siyang gawing state witness at panatiliin sa PNP Custodial Center. - Rey G. Panaligan