LEGAZPI CITY - Isa na namang Albay beauty, ang modelo at TV host na si Valerie Clacio Weigmann, ang tinanghal na bagong Miss World Philippines ngayong taon, matapos niyang talunin ang 25 iba pa. Kinoronahan si Weigmann noong Linggo sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, ang panalo ni Weigmann ay patunay lang na ang kanilang lalawigan ang “Venezuela of the Philippines,” at lupain ng magagandang dilag. Lalong pinatingkad ng panalo ni Valerie, dagdag ni Salceda, ang anyaya ng Albay bilang kaakit-akit na tourism destination. Sinabi pa ni Salceda na nais makauwi agad sa Albay si Valerie hindi lamang para sa tradisyonal nilang motorcade at parangal, kundi para dalawin at pasayahin ang mahigit 55,000 Albayano na inilikas ng pamahalaang panglalawigan mula sa Mayon danger zones.
Si Weigmann ang ika-63 naging reyna ng kagandahan mula sa Albay sa nakalipas na 31 taon. Nitong Abril lamang, dobleng tagumpay ang ipinagdiwang ng lalawigan nang mapalunan ni Ms. Yvethe Marie Santiago ang titulong Miss Supranational, at si Marianne Bianca Guidotti ang kinoronahang Miss International sa 2014 Binibining Pilipinas pageant.
Binibigyan ni Salceda ng natatanging pagpapahalaga ang timpalak pangkagandahan bilang sangkap sa pinaigting na tourism campaign ng lalawigan. Tanging ang Albay ang lalawigan na mayroong beauty school sa bansa—ang Albay Pageant Academy.
Sa talaan ng Albay, 63 na ang naging national and international beauty queen mula noong 1980.