Ni TARA YAP

ILOILO CITY – Sinisi ni Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog ang Department of Public Works and Highways (DPWH)-Region 6 sa labis niyang pagkadismaya sa pagbabaha sa siyudad noong Oktubre 9-10—at naglunsad siya ng serye ng post sa Facebook para sa regional director ng kagawaran.

“I don’t think you are blind or naive that you don’t see the condition of the road,” saad sa post ni Mabilog sa Facebook noong Oktubre 12 nang inireklamo niya ang pagbabaha sa Diversion Road sa Mandurriao district.

Pagkatapos nito, isinulat ni Mabilog sa Filipino ang mga sumunod niyang post upang maintindihan umano ito ng regional director.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Huwag muna kayong magyabang dahil wala naman kayo talagang ipagyayabang!!! Sana huwag kayong manhid,” post ni Mabilog, tinutukoy si DPWH-Region 6 Regional Director Edilberto Tayao.

Sa isang hiwalay na post, si Engr. Rodney Gustilo, hepe ng Iloilo City District Engineering Office (ICDEO) naman ang inatake ng alkalde.

Sinabi ni Mabilog na dapat na makonsensiya si Gustilo dahil binabaha na ngayon ang siyudad—na hindi naman umano dating binabaha—bunsod ng mga proyekto ng ICDEO ng DPWH-6.

Idinagdag pa ni Mabilog na hindi siya nakikipag-away sa kahit na sino, sa halip ay nais lang niyang pagtuunan ng atensiyon ng mga opisyal ng DPWH-6 ang kanyang mga hinaing.

“There must be mutual understanding and diplomatic approach when it comes to this,” sabi naman ni Tayao nang kapanayamin sa telepono.

Sinabi ni Tayao na nauunawaan niya si Mabilog dahil ang alkalde marahil ang sinisisi ng siyudad sa baha, pero hinimok ni Tayao ang mayor na dumirekta na lang sa kanya at kausapin siya nang personal.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Gustilo na hindi ibunton ni Mabilog ang sisi sa DPWH-6 sa pagbabaha sa Iloilo City.

Bagamat ilang Ilonggo netizen ang sumang-ayon sa post ni Mabilog, mas marami naman ang nadismaya sa kawalan umano ng propesyunalismo ng alkalde.

Kilala si Mabilog sa paggamit sa Facebook sa pag-atake sa kanyang mga kritiko.