Inireklamo sa Office of the Ombudsman ang hepe ng Armed Forces of the Philippines Medical Center (AFPMC) at tatlo pang opisyal nito kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng medical supplies na aabot sa P80 milyon.

Sa reklamong inihain ni Renato Villafuerte, iginiit nito kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales na imbestigahan sina AFPMC chief Brig. Gen. Normando Sta. Ana Jr., Special Disbursing Officer Lt. Col. Florencio Ritchie Capulong, Management and Fiscal Office chief Maj. Neil Bugarin, at Acting ACS for Logistics Col. Rogelio Del Rio.

Paliwanag ni Villafuerte, nilustay umano nina Sta. Ana, Capulong, Bugarin, at Del Rio ang nasabing pondo at ito, aniya, ay paglabag sa RA 9184 o Government Procurement Reform Act of 2003.

Aniya, sa ilalim ng Section 48.2 ng RA 9184, kinakailangang magkaroon ng public bidding bilang mode of procurement, sa lahat ng malakihang transaksiyon, kabilang ang tinatawag na “highly exceptional case.”

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Posible rin umanong nilabag ng mga ito ang Rule II, Section 7.1 ng nasabing batas, na nangangailangan muna ng approved budget ng procuring entity bago isagawa ang procurement.

Ipinaliwanag nito na sa pamamagitan ng basbas ni Sta. Ana, bumili si Capulong mga gamot at medical supplies sa mga pinaborang supplier sa kabila ng kawalan umano ng public bidding.

Nilinaw pa ni Villafuerte na maliban dito, hiniling din umano ng mga ito na magkaroon ng “realignment of funds” na aabot sa P40 milyon upang masuportahan ang cash advance ni Capulong.