Itala ang kasaysayan bilang ikalawang Pilipinong atleta na nakuhang makamit ang gintong medalya sa magkasunod na edisyon ng Asian Games ang tinatarget sa kasalukuyan ng natatanging Incheon Asian Games gold medalist na si Daniel Patrick Caluag.
Ito ang inihayag ni Integrated Cycling Federation of the Philippines (Philcycling) president Abraham “Bambol” Tolentino sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s Malate kung saan ay sinabi nito ang kabuuang plano ng asosasyon upang makamit ang ninanais na maging isa sa priority sports.
“Ang talagang pinaghahandaan namin ay maging back-to-back gold medalist sa Asian Games sa 2019 Jakarta,” sinabi ni Tolentino kung saan ay sinabi nito ang pagtatalaga sa beterano ng Tour de France na si Chris Allision bilang head coach ng asosasyon.
Ang huling atletang Pilipino na nakapag-uwi ng dalawang gintong medalya sa magkausod na Asian Games ay si Lydia De Vega-Mercado na nagwagi sa centerpiece event na 100 meter dash noong 1082 New Delhi at 1986 Seoul.
Si Allison ang siya ring humahawak ng continental team na LBC-MVP Sports Foundation.
Inamin naman ni Tolentino na hangad niyang maikonsidera ng Philippine Sports Commission (PSC) ang cycling bilang isa sa priority sports kung saan ay natatangi itong asosasyon na wala sa listahan subalit naibigay ang unang gintong medalya sa bansa.
“Ang gusto namin sana ng buong asosasyon ang iprioritized at hindi lang ang BMX,” saad ni Tolentino.
“Binuwag nga namin ang buong koponan para gawing halos lahat ng players namin ay under 23 kaya we are really aiming to have a real change in the association,” dagdag pa ni Tolentino.
Nakatuon naman ang PhilCycling sa pagwawagi sa gintong medalya sa susunod na 2015 Singapore SEA Games na kung matatandaan ay tanging nakapagwagi ng gintong medalya ang individual time trial sa road race at muling makuwalipika si Caluag sa 2016 Rio De Janeiro Olympics.
“Alam ni Danny kung paano makuwalipika sa Olympics,” giit ni Tolentino. “Alam niya and his coach na si Gregory Romero na nag-silver noong 2006 Beijing Olympics ang plano kung paano makapasok muli sa Games.”