Isang kakaiba at agresibong Globalport Batang Pinoy ang masasaksihan sa pagsambulat ng ika-40 taon ng Philippine Basketball Association (PBA) na magbubukas sa Oktubre 19 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Ito ang mismong sinabi ni Globalport owner Mikee Romero sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s Malate kung saan ay kasama nitong dumalo sina Board of Governor representative Eric Arejola, team manager BJ Manalo, coach Pido Jarencio at ang top rookie pick na si Stanley Pringle.
“We are very, very frustrated in the last two years after coming out being the best in the amateur league,” sinabi ni Romero.
“But now, nahanap na namin ang gusto talaga naman na composition, and coming from the low ranks, there is nothing to go but up for us,” giit pa ni Romero.
“Gutom na kami sa panalo kaya we arranged 15 tune-ups saka nagpunta kami sa Korea to play more games. Parang may misyon kami ngayon. Actually, the team vowed on this mission and we want to finish it. We will be one of the most exciting teams this conference,” dagdag ni Romero.
Sinabi naman ni Arejola na palaban ang attitude ng player at halos abot na rin nila ang fast pace na klase ng laro na gustong maabot ng koponan.
“Gusto naming lahat ay takbuhan. Our forecast is to land in the semifinals and we have three conferences to do it,” ayon kay Arejola, na nakasama ang mga manlalaro na sina Alex Cabagnot, Terrence Romeo, Keith Jensen at Mark Isip.
Kumpiyansa naman si Globalport coach Jarencio na tuluyang lalabas ang kalidad ng koponan sa aktuwal na laro matapos na mapunuan ang lahat ng mga hinahanap nito sa mga manlalaro.
“Mayroon na ngayon pride ang mga player namin. Palaban na ang kanilang konsentrasyon at maganda na din ang itatakbo ng team,” paliwanag ni Jarencio.
“We now have the deadliest backcourt in the league although hindi pa lumalabas ang weaknesses ng team. Itinapon na namin ang lahat ng nangyari noong nakaraang taon ,” sambit ni Jarencio.