May “Oplan Stop Nognog 2016” laban kay VP Binay, ayon lay UNA Secretary General JV Bautista. Organisado, planado at may pondo aniya ang operasyong ito para gibain si Binay na nauna nang nagdeklara na tatakbo sa pagkapangulo sa darati8ng na halalan. Kung mayroon man ganitong operasyon, hindi ito ang isyu. Normal sa pulitika natin ang magsiraan ang mga pulitiko sa hangarin nilang ibagsak ang isa’t isa. Dahil nga si Binay ang unang pumagitna sa larangan sa pagnanais niyang maging pangulo ng bansa, alangan namang palakpakan siya at purihin. Asahan niyang pupukulin siya ng kahit anong puwedeng ipukol sa kanya. Ang larangan sa panguluhan ng ating bansa ay napakasikip para sa uri ng mga pulitiko natin na ang pangunahing layunin ay itaguyod ang kanilang pansariling interes.
Ang isyu ay may laman ba ang ipinupukol kay Binay? Sumadsad na naman ng 15% ang kanyang approval rating, ayon sa SWS survey. Ito ba ay dahil lamang sa paninira sa kanya gawa ng tinurang oplan? Kung paninira man ito, naging epektibo dahil may batayan. Ang bintang sa kanya ay may katibayan. May bigat ang deklarasyon ni dating Vice-Mayor Mercado ng Makati nang si Binay ang mayor. Matagal silang nagsama hanggang sa naging masikip na ang Makati para sa kanilang sariling ambisyon. Totoo, talunan ng mga Binay si Mercado sa pulitika sa Makati. Maaaring galit ito sa mga Binay lalo na sa Vice President dahil ito ang naging hadlang sa kanyang ambisyong maging alkalde. Pero matagal na kasama ito ni VP Binay na walang hadlang sa pagitan nila ang nagpapatibay ng kanyang kredibilidad sa kanyang mga sinasabi ukol sa overpriced Parking Building, ari-arian ni Binay at pagtanggap nito ng suhol. Para bang sa isang kaso na ang krimen ay ginawa ng mahigit isa. Ang nagtaksil sa kanila at tumestigo laban sa kanyang mga kasama ay pinaniniwalaan ng korte. Ang kanyang deklarasyon ay sapat para patunayang nagkasala ang kanyang mga kasama. Ganito si Mercado kay Binay, totoo man o hindi ang “Oplan Stop Nognog 2016”.