Kung si San Beda College (SBC) coach Boyet Fernandez lamang ang masusunod, posibleng hindi niya piliin ang University of Perpetual Help upang makalaban sa Final Four ng NCAA Season 90 men’s basketball tournament.

Ngunit sa ayaw at sa gusto ni Fernandez, sila ng Altas ang muling magtatapat sa semis na gaya noong nakaraang taon habang magtutuos naman sa isa pang Final Four pairings ang season host Jose Rizal University (JRU) at ang Arellano University (AU).

Sa ganap na alas-2:00 ng hapon ang salpukan ng Red Lions at Altas habang sa ganap na alas-4:00 naman ng hapon ang tapatan ng Chiefs at Heavy Bombers sa MOA Arena sa Pasay City.

“I hate that I will play against them,” pahayag ni Fernandez na tinutukoy ang kanyang dalawang manlalaro na kinuha para mapabilang sa koponan ng NLEX Road Warriors sa darating na PBA 40th season na sina Juneric Baloria at Harold Arboleda.

National

PBBM sa impeachment complaints vs VP Sara: 'The timing is very poor'

“But I’m happy that they are part of NLEX. Actually talagang choice ko silang dalawa and I believe in their talent,” dagdag pa ni Fernandez.

Kaugnay nito, nag-iwan ng isang hamon si Fernandez para sa dalawang ace players ng Altas na kasama ni leading MVP candidate na si Scotie Thompson kung saan ay labis na hinangaan ni Fernandez lalo na ang playing ethics.

“I do challenge them (Baloria and Arboleda) to play hard and play tough against us (San Beda). I don’t care if they beat us, kasi it’s a proof na hindi ako nagkamali sa pagpili sa kanila,” giit pa ni Fernandez.

Para naman sa panig ng Altas, sinabi ni coach Aric del Rosario na napakabigat na kalaban ng San Beda lalo na at mayroon silang isang mahusay na foreign center sa katauhan ni Adeogun.

Gayunman, sinabi nito na gagawin nila ang lahat at pagsisikapan na muling magapi ang Red Lions na gaya ng ginawa nila sa second round ng eliminations.

“Napatunayan na namin na kaya namin silang talunin, kaya sisikapin namin na magawa ulit. Basta tulung-tulong lang, wala namang imposible doon,” ayon pa sa beteranong mentor.

Sa pagitan naman ng Arellano at JRU, nakatakdang isantabi muna nina coach Jerry Codinera ng Chiefs at Vergel Meneses ng Heavy Bombers ang kanilang pagkakaibigan sa kanilang nakatakdang digmaan sa loob ng court.

“Trabaho muna, pero after the game naman magkaibigan pa rin,” ani Meneses na nangakong paiigtingin pa ang kanilang depensa sa kanilang nakatakdang kampanya sa semis.

Samantala, nakahinga naman ng maluwag si Codinera makaraang hindi suspindehin ng Management Committee ang kanyang manlalarong si Keith Agovida makaraang mapasakamay nito ang unsportsmanlike foul sa nakaraang laban nila ng San Beda.

Nakapasok ang San Beda at Arellano bilang No. 1 at No. 2 teams sa Final Four kaya’t kapwa sila may twice-to-beat advantage kontra sa Perpetual at JRU na gaya rin ng Mapua Red Robins at San Beda Red Cubs  sa juniors division laban sa mga katunggaling JRU Light Bombers at Letran Squires, ayon sa pagkakasunod.