MISSION POSSIBLE ● Nagpahayag nitong linggo na tutulong ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na mailigtas ang dalawang sundalong mahigit nang isang buwang bihag ng New People’s Army (NPA) sa Impasug-ong, Bukidnon. Umapela kasi kay OPAPP Sec. Teresita ‘Ding’ Deles ang 3rd party facilitators na binuo ng religious leaders at peace advocates na humihiling ng agarang pagkilos nang mapalaya sina PFC Marnel Cinches at PFC Jerrel Yorong na dinukot noong Agosto 22. Sobrang tagal na po niyon. Kung baga sa punla, nagkaugat na ang puwit nila sa kanilang kinauupuan. Hindi naman sila binigo ni Sec. Deles na agad na nagparating ng positibong tugon, ayon kay Iglesia Filipina Independiente Bishop Felixberto Calang na nagsasabing tutulong nga ang OPAPP sa nabihag na mga sundalo.

Nakalulugod isiping makikipag-ugnayan si Sec. Deles sa angkop na mga ahensiya ng gobyerno upang balangkasin at isaayos ang mga hakbangin upang mapalaya ang dalawang biktima ng NPA. Gayunman, makikipagtulungan din naman ang mga rebelde kung sasagutin ng gobyerno ang kanilang akok na pakawalan ang mga bihag kung sususpindihin nito ang operasyon ng militar at pulisya sa dalawang siyudad at pitong bayan ng Bukidnon at Misamis Oriental. Suspindihin ang opersyon ng militar at pulisya? Talagang ayaw nila ng kapayapaan at kaayusan. Kung may utak lamang sila na kasinlaki ng munggo, makikita nilang para rin sa kanilang kapakanan ang ginagawa ng gobyerno.

BANTA SA PAPA POSSIBLE ● Hindi isinasantabi ni Defense Secretary Voltaire Gazmin ang posibilidad na magkaroon ng banta ng terorismo sa bansa kaugnay ng nalalapit na pagbisita ni Pope Francis sa susunod na taon. Kaya naman puspusan ang paghahanda ng kanyang hanay upang magpatupad ng mga hakbang nang mapaigting ang seguridad lalo na sa pinakamataas na pinuno ng Simbahang Katoliko. Samantala, nakatakdang ilipat sa Quezon City Police District (QCPD) Station 2 sa Masambong, Quezon City ang dalawa sa tatlong suspek sa planong pambomomba sa Metro Manila na nahuli noong Linggo. Sinampahan agad ng kaso ang mga suspek ng illegal possession of explosives, falsification of public and private documents, concealing their true names, at pagmamaneho ng walang lisensiya. O, di ba? Seryoso ang ating mga alagad ng batas sa pagsasawata ng karahasan. Makaaasa tayo ng mapayapang pagbisita ni Pope Francis.

National

PBBM sa impeachment complaints vs VP Sara: 'The timing is very poor'