Nakuha ng tambalan nina Melanie Carrera at Cindy Benitez ng Pangasinan ang kanilang “timing” ng sakto sa kanilang pangangailangan upang makamit ang kampeonato sa ika-apat at final leg ng 2014 Petron Ladies’ Beach Volleyball Tournament na ginanap sa University of the East-Kaloocan campus sand court.
Ipinahiya ng Pangasinense tandem ang mga pambato ng UE na sina Krycel Cueva at Francislyn Cais, 21-13, 21-19, para maangkin ang korona.
Bumawi si Carrera sa kanyang error na nagresulta sa pagtatabla ng laro sa 19-all sa pamamagitan ng paghataw sa bola pagkatanggap ng service ni Cueva na sinundan pa nito ng isang drop shot para ganap nilang makamit ang panalo.
“Napagod kami, pero ginamit lang namin ang experience namin para manalo,” anang 26-anyos na si Carrera na tubong Dagupan.
Ang tagumpay ang una para kay Carrera sa torneo kasunod ng muntik na nitong pagkapanalo sa ikalawang leg ng torneo noong 2012 kung saan kapareha pa niya noon si Cassandra Lleda matapos nilang umabot ng finals kontra sa tambalan ng kanyang bagong kapareha ngayong si Benitez at Jennifer Manzano na kumatawan sa Team Mangaldan, 21-23, 21-10, 21-10, sa isang all-Pangasinense finals.
Nauna rito, umusad sina Carrera at Benitez sa finals matapos manaig laban sa kapwa nila Pangasinense, ang kabal na sina Jeziela at Nieza Viray, 21-9.
Nakapasok naman ng kampeonato sina Cais at Cueva makaraang maitala ang 21-12 na panalo laban sa Marikina duo nina Shirley Martinez at Lourdes de la Cruz I sa semis.