NARINDI si DOTC Secretary Joseph Abaya sa panawagan sa kanya na mag-resign. Bakit hindi naman gagawin ito sa kanya? Sukat ba namang ayunan niya ang panukalang itigil muna ang operasyon ng MRT. Aayusin muna raw ito upang maiwasan ang nangyayaring sunud-sunod nitong aberya. Umalma ang mga pasahero nito at dahil nakabibingi ang kanilang reklamo at galit kay Abaya, kumambiyo si Secretary. Mananatili raw ang operasyon habang inaayos ito.

Noon pa man alam na ni Pangulong Noynoy ang maselang kalagayan ng MRT. Nitong huling SONA niya, sinabi niya na magtataas na ng pamasahe sa MRT at LRT. Sinusustentuhan daw ng gobyerno ang operasyon ng mga ito, kaya pati ang hindi raw sumasakay sa mga ito ay lumalabas na nagbabayad na rin dahil nga sa sustentong ito. Panahon na raw na ang mga pasahero ang magpapasan sa gastusin ng operasyon. Matanong nga natin, para saan iyong ibabayad na mataas nang pamasahe ng mananakay ng MRT? Hindi naman ito ari ng gobyerno. Lumabas sa imbestigasyon ng Senado na pribadong kumpanya pala ang namamahala at nagpapaandar nito. Ngayon lang binabalak ng gobyerno na bilhin ang MRT.

Sa malaon o madali, alam ng mga nasa gobyerno, lalo na iyong departamento ni Abaya na masisira ang MRT. Ang dagdag na pamasahe ay ilalaan sa pagkukumpuni nito. Kung saan nagpunta ang salaping dating sumusustento sa operasyon ng MRT ay hindi maliwanag. Ang maliwanag ay naubos na ito. Ang naging problema ng gobyerno ay hindi na nakapaghintay ang mga sirain sa MRT. Nauna ang mga sirain na mangyari bago makapaningil ito ng mataas na pamasahe sa mga pasahero. May moral authority ba ngayon ang gobyerno para pairalin ang utos ng Pangulo na itaas ang pamasahe sa MRT? Makapaniningil ba ngayon ang gobyerno ng mataas na pamasahe sa MRT kahit sunud-sunod ang aberya na naglalagay sa panganib ang mga pasahero? Dahil walang mapagpipilian ang mga pasahero, pilit silang sumasakay sa MRT na may pangamba. Sisingilin mo pa sila ng mataas na pamasahe, ang pangamba na iyon ay mahahalinlinan ng poot dahil pang-aapi na ito.
National

PBBM sa impeachment complaints vs VP Sara: 'The timing is very poor'