SINIMULAN natin ang pagtalakay sa pagtatanong ng mas mainam na tanong. Nabatid natin na nasa tamang tanong matatamo ang tamang solusyon sa mga problemang ating hinaharap sa ating buhay, sa kahit na anong larangan. Ipagpatuloy natin...
- Magpakumbaba at tumutok sa layunin. – Huwag kang humusga o mag-akala – ito ang prinsipyo sa ating pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Madalas tayong kumonsulta sa ating mga kaibigan, kasama sa trabaho o kakilala na may mga problemang katulad ng sa atin. Madalas ding hinuhusgahan natin sila bilang tamad, makitid ang pag-iisip, o makasarili, at kapag dumating na ang pagkakataong kailangan na nating konsultahin sila dahil sa isang issue, nagtatanong tayo ng mga tanong na nanghuhusga at hindi nakatuon sa paglikha ng mga solusyon.
Halimbawa: Bakit hindi ka makapag-submit sa oras? Bakit hindi ka maging malikhain? Bakit mo ako pinahihirapan?
Maging ano man ang ating situwasyon, hindi natin dapat inaakala na alam natin ang lahat ng bagay o tayo ay perpekto at laging tama. Maging maingat na huwag mag-akala na mayroong binabalak na masama ang ating kapwa o walang maiaambag na kapaki-pakinabang ang ating mga kasama. Sa halip, kailangang maging bukas ang ating isipan at kailangan nating sikapin na lagi tayong nakatutok sa ating mga layunin. Matutong magpakumbaba. Magtanong ka at makinig kang mabuti:
“Bakit late na naman ang report mo? (Maging matapat sa paghahangad mong alamin kung bakit). Ano ba ang magagawa natin upang maiwasang ang late sumission? Paano natin mapaiigting ang pagkamalikhain sa ating trabaho? Paano natin mapahuhusay ang ating komunikasyon?
Ang mga maling o hindi patas na pag-aakala maging sa ating sarili o sa ibang tao ay nauuwi sa kawalan kung saan walang nareresolbang problema. Isipin lagi ang na may mga posibilidad na makamtan ang mga solusyon sa mga problema sa halip na mag-focus sa ating mga limitsyon.
Tatapusin bukas.