Sa mahigit 8,399 naitalang kaso ng Ebola sa pitong bansa, halos kalahati nito ang namatay na, pahayag ng World Health Organizaton (WHO) noong isang araw.

Karamihan sa mga biktima ay nasa tatlong bansa sa West Africa – ang Guinea, Liberia, at Sierra Leonne, kung saan kinakapos na ng pasilidad sa mga ospital. Ngunit ang ibang biktima naman ay nasa mga bansa sa Kanluran. Namatay ang isang lalaki habang ginagamot sa isang ospital sa Texas sa Amerika sampung araw matapos dumating mula sa Liberia. Una rito, isang mongheng Kastila ang namatay sa Spain at isang nurse naman ang ginagamot ngayon matapos hipuin ang sariling mukha ng kanyang kamay na may glove nang umalis ito mula sa quarantine room kung saan nilulunasan ang isang biktima ng Ebola.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ang impeksiyon ng nurse ay naglalarawan ng mas matinding panganib na dulot ng Ebola epidemic. Iniulat na naisasalin ito sa iba sa pamamagitan ng body secretions tulad ng luha, pawis, bahin, súka, at dumi. May panganib din ang kahit na anong uri ng skin contact. Ang hangin na hinihinga sa isang saradong lugar tulad ng isang behikulo ay maaaring magtaglay ng Ebola germs kung ang isa sa mga pasahero ang mayroon nito.

Ito ang dahilan kung bakit nag-walk out ang may 200 airline cabin cleaner sa La Guardia airport sa New York noong isang araw, upang iprotesta ang tinatawag nilang hindi sapat na proteksiyon mula sa exposure sa Eblola sa kanilang paglilinis ng mga palikuran ng mga eroplano.

Tulad ng dumarami nang bansa, kailangang paigtingin ang pag-iingat ng Pilipinas. May mahigit 8,000 tayong manggagawa sa mga bansa sa West Africa na tinamaan ng Ebola, bukod pa sa 115 hukbo na nakatalaga sa United Nations Peacekeepers sa Liberia. Karamihan sa mga Pinoy na ito ay nakatakdang umuwi para marahil sa Pasko, at kailangang maging handa tayo sa kanilang pagbabalik.

Dagdag pa rito, humiling ang Amerika at ang United Kingdom sa Pilipinas na magpadala ng ating mga health worker sa mga bansa sa West Africa, ayon kay Health Secretary Enrique Ona. Masidhi ang pangtanggi ng ilang opisyal sa ideyang ito na nangangamba sa kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino. Anila, kung magpapadala ang Pilipinas ng limang volunteer, iyon ay para lamang pag-aralan kung paano lumalaban ang mga bansa sa West Africa sa epidemya at kung paano makatutulong ito sa Pilipinas.

Ang dahilan ng pangamba sa Ebola ay nagmumula, una, sa madaling paraan nitong nakapambibiktima ng tao at, pangalawa, walang tiyak na lunas o bakuna para rito kung kaya nagresulta sa 50% death rate. Nakapagtatag na ng contingency plans ang Pilipinas, kabilang ang disease surveillance, pag-uulat ng mga kaso, at clinical management gamit ang makabagong teknolohiya mula sa US Centers for Disease Control and Prevention.

Tulad ng iba pang epidemya, matututuhan din ng daigdig kung paano puksain ang Ebola. Bubuhos ang pondo para sa research, medisina at pagkakaroon ng bakuna. Samantala, kailangang mag-ingat tayo rito sa ating bansa lalo na kung panahon na ng Pasko sapagkat libu-libong banyagang panauhin at mga magbabalik na Pilipino mula sa buong daigdig ang magsisidating sa Pilipinas.