NOONG binabalangkas ang proklamasyon tungkol sa senior citizens week noong panahon ni Presidente Ramos, kabilang tayo sa mga naniniwala na hindi dapat takdaan ang pagpapahalaga sa mga nakatatandang mamamayan. Nangangahulugan na hindi lamang sa loob ng isang linggo dapat dakilain ang naturang grupo ng mga mamamayan kundi sa lahat ng sandali – hanggang sa huling pintig ng kanilang buhay.

Ang pagpupugay sa mga senior citizen ay patunay ng kanilang partisipasyon sa mga kaunlarang panlipunan, pangkabuhayan, pang-edukasyon at maging sa mga repormang pampulitika. Noong kasiglahan ng kanilang pakikipagsapalaran sa iba’t ibang larangan ng pamumuhay, hindi iilan sa kanila ang naging haligi ng karunungan, lalo na sa information technology na kinilala ng iba’t ibang bansa. Sa agrikultura, katuwang sila sa pagbubunsod ng makabagong pamamaraan ng pagsasaka at pangingisda tungo sa pagkakaroon ng sapat na ani at pagkain.

Hindi mapasusubalian na marami sa kanila ang kinikilala hanggang ngayon sa kani-kanilang propesyon, tulad ng abogasya, medisina, pagtuturo o teknolohiya. Kabilang na rito ang mga miyembro ng media o pamamahayag na aktibo pa rin sa pagsusulat hindi lamang bilang reporter at kolumnista kundi maging sa paghabi ng iba’t ibang anyo ng panitikan – tula, maikling kuwento, nobela at mga lathalain.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Sa larangan ng pulitika, hindi pa rin maawat ang marami sa kanila sa paglahok sa mga halalan at sa pamumuno sa mga komunidad. Sila pa rin ang madalas na sinasangguni ng mga nakababatang pulitiko hinggil sa angkop na pamumulitika.

Hindi rin naman maitatatuwa na may mga senior citizens na hindi karapat-dapat maihanay sa mga huwarang nakatatandang mamamayan. Marami rin sa kanila ang walang pinagkatandaan o tumandang paurong, wika nga. Subalit sa pangkalahatan, higit na nakararami ang maipagkakapuri at nararapat dakilain sa lahat ng pagkakataon. Hindi dapat takdaan ang pagpapahalaga sa kanila.