Sa wakas, matapos ang halos isang buwan ding pakikipagnegosasyon sa expansion team na Blackwater Sports, nakuha na rin ni dating PBA two-time MVP Danny Ildefonso ang kanyang kagustuhan na mai-release siya ng koponan.
Dahil dito, natupad na rin ang malaon nang nais ni Ildefonso na makabalik sa Meralco kung saan siya huling naglaro noong nakaraang season matapos siyang bitawan ng kanyang dating team na Petron na kanyang pinagsilbihan ng halos 15 taon.
Bunga ng mga pinakahuling pangyayari, labis ang pasasalamat ni Ildefonso sa pagkakataong muling ibinigay sa kanya ng Bolts.
Katunayan, personal na nagpasalamat si Ildefonso sa sports patron na si Manny V. Pangilinan na siyang nagmamay-ari ng team nang magdaos ito ng isang espesyal na pagtitipon para sa koponan noong nakaraang Miyerkules ng gabi.
Kaugnay pa rin nito, sinabi naman ni Ildefonso na hindi siya umaasa ng mahabang playing time o exposure mula sa bagong head coach ng koponan na si Norman Black.
Ngunit nangako itong gagawin niya ang lahat ng makakayanan na maibigay ang kanyang makakaya upang makatulong sa koponan sa sandaling binigyan sya ng pagkakataon.
“Hindi na ako nag-i-expect ng mahabang playing time.Basta pag pinasok ako ibibigay ko lahat sa court,” ayon pa kay Ildefonso.