Matapos ireklamo dahil sa pagngisi tuwing may court hearing, pinaiyak naman ngayon ng mga defense lawyer ang pork scam whistleblower na si Benhur Luy.
Luhaang umalis si Luy sa witness stand kahapon matapos paaminin ni Jose Flaminiano, abogado ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada, na pineke nito ang mga lagda ng senador sa mga dokumento na ginagamit bilang ebidensiya ng prosekusyon.
Iginiit ni Flaminiano na ngayon lang sa kasaysayan ng Pilipinas inamin ng isang indibidwal na nagpepeke siya ng dokumento, hindi nagsisisi sa kanyang nagawang krimen at hindi rin kinasuhan.
Sinakyan din ni Stephen David, abogado ng tinaguriang pork barrel scam mastermind na si Janet Lim Napoles, ang manipestasyon ni Flaminiano kasabay ng pahayag ng paniniwala na maraming kasinungalingan si Luy sa korte dahil ito ay namemeke ng lagda sa mga dokumento.
Habang tinatanong ni Flaminiano sa isyu ng forgery, biglang umiyak si Luy at tumalikod sa gallery.
Sa pamamagitan ng large-screen projector, ipinakita ni Luy sa korte kung paano niya pinepeke ang lagda ng dating deputy chief of staff ni Estrada na si Paulene Labayen at iba pang isinangkot sa pork barrel scam.