Nina AARON B. RECUENCO at ROMMEL P. TABBAD

LEGAZPI CITY – Nasa 2,900 pamilya na nakatira sa six-kilometer danger zone ng Bulkang Mayon ang permanente nang ire-relocate upang tuluyan na silang mailayo sa panganib tuwing nag-aalburoto ang bulkan.

“The President said that if this is a permanent danger zone, why do people still live there. So this will be addressed,” sabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas.

Ngunit hindi magiging madali ang relokasyon dahil nangangahulugan itong mangangailangan ang gobyerno ng P600 milyon sa paghahanap ng mga bagong lugar na paglilipatan at magsisilbing permanenteng tirahan ng mga residente.

National

Bagong kurikulum ng DepEd, ipatutupad sa S.Y. 2025-2026

Saklaw din ng pondo para sa relokasyon ang pagpapagawa sa mga bahay ng lahat ng 2,900 pamilyang ire-relocate mula sa six-kilometer danger zone.

Gayunman, hindi pa makapagbigay si Roxas ng timeline kung kailan sisimulan ang relokasyon.

Kinumpirma naman ni Albay Gov. Joey Salceda ang planong relokasyon, sinabing isa ito sa mga proyektong nasa drawing board ng pamahalaang panglalawigan.

Sinabi ni Salceda na halos lahat pamilyang nasa permanent danger zones ay nasa bahagi ng Malinao at Tabaco.

Kinumpirma niyang ang 2,900 pamilyang nabanggit ang laging prioridad na ilikas tuwing itataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon.

“May nakita na kaming permanent relocation site sa Camalig. Ipiprisinta namin ito sa national government,” anang gobernador.

Sa kasalukuyan, may 12,500 pamilya o 55,000 katao ang isang buwan nang nanunuluyan sa 48 evacuation center sa lalawigan simula nang itaas sa Alert Level 3 ang Mayon.

Kaugnay nito, umapela si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman sa mga dumadagsang turista sa Albay na maaari silang mag-volunteer para sa libu-libong evacuees.

“Puwede [silang mag-volunteer], lalung-lalo na sa repacking, kasi tuluy-tuloy po ‘yung repacking namin sa Albay. Hindi naman dangerous sa labas ng six kilometers at kahit na mag-alert level four, 8 to 10 kilometers, ang mga evacuation centers ay malayo doon,” paliwanag ng kalihim.

Aniya, ang mga magbo-volunteer ay kailangan munang makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at sa National Disaster Risk Reduction ang Management Council (NDRRMC).