Sinulat at mga larawang kuha ni GINA PERALTA-ELORDE
FIRST impressions last. Impresyon sa tao, bagay o lugar ang nag-iiwan ng tatak sa isipan. Impresyon ang tawag sa unang tingin at reputasyon naman ang nakatatak at naiiwan sa isipan.
Sa usaping ito, masuwerte ang Antipolo City sa pagkakaroon ng sariling tatak o brand.
Tatlong bagay ang agad tumatatak sa ating isipan kapag binabanggit ang Antipolo, at ito ay ang “mangga, suman at kasoy”. Pero hindi lamang ang mga ito ang maiaalok ng siyudad sa mga turista.
Ang Antipolo ay inaakyat ng libu-libong taong nakatira sa mga karatig-bayan at lungsod upang gampanan ang kani-kanilang panata, magsimba at manalangin sa Our Lady of Antipolo. Bukod sa Antipolo Cathedral, matatagpuan din sa pilgrim city ang iba pang religious sites tulad ng Boso-Boso Church, Mystical Cave; art galleries; retreat houses, private resorts, spas, at ang Hinulugang Taktak.
Sino nga ba sa ating mga Pilipino ang hindi nakakaalam ng kantang Tayo Na Sa Antipolo?
Kumbaga, mahigit sa isang libo ang mga dahilan kung bakit tayo bumibisita sa Antipolo. Simulan natin sa mga tao, sa mga kapistahan, sa pagkain, at sa mismong lugar.
Sa mensahe ni Antipolo City Mayor Casimiro “Jun” Ynares sa inilunsad na 2nd Antipolo Tourism Fair kamakailan, ipinahayag niya na ang Antipolo ay maihahalintulad sa mangga -- maganda na sa paningin, masarap pa sa panlasa; sa suman -- matamis at dumidikit sa alaala; at sa kasoy -- hindi pinagsasawaan bagkus ay binabalik-balikan.
“Minsan mo nang dinalaw, parang ayaw mo nang iwanan kung kaya’t ito ay binabalik-balikan,” pahayag pa ni Mayor Ynares kasabay ng pagkumpirma na mahigit sa kalahati ng populasyon ng Antipolo ay hindi taal na Antipoleño at sila ay tinaguriang “Antipoleños by choice”.
Ang “Antipoleños by choice” ay mga residente ng lungsod subalit hindi lehitimong ipinanganak dito kundi piniling manirahan dito.
“Para sa mga Antipoleños-by-choice, ayaw na nilang bumalik-balik pa, kaya they decided to stay here forever at pinili nilang dito na palakihin ang kani-kanilang pamilya at sa palagay ko simple lang naman ang dahilan kung bakit gusto nilang manirahan sa Antipolo -- sila ay na-in love sa lugar -- ‘namangga, nasuman at nakasoy’ sila.
Naniniwala at positibo si Mayor Jun, na kung ang kalahati ng mga residente ng Antipolo ay ‘Antipoleños by choice’ dahil na-in love sila sa siyudad, magagawa rin ng Antipoleños na ma-in love ang buong mundo sa lungsod.
Mabilis ang pagsulong ng progreso sa Antipolo City na kamakailan lang ay pinasinayaan ang pagbubukas ng malawak na branch ng Robinson’s Place sa dulo ng Sumulong Highway at tinapatan pa ng I-Mall at Antipolo Public Market.
Nagkakasunud-sunod ang pagbubukas sa siyudad ng naglalakihang Shopwise, Victory Mall, Puregold, Antipolo Triangle Mall, sa sentro ng lungsod at ang SM Masinag sa Marcos Highway. Ganoon din ang iba’t ibang restaurant chain at iba pang mga negosyo.
Maging ang Kapitolyo ng Rizal sa Ynares Center ay itinuturing na ring tourist attraction dahil sa pagkakahawig nito sa White House ng United States.
Ang kahilingan ni Mayor Jun Ynares sa Antipoleños ay ang patuloy na paghahawak-kamay para sa sama-samang pagtupad sa iisang obligasyon at misyon, at ito ay upang “makabuo ng isang powerful lasting impression para sa lungsod ng Antipolo.”