Pinasaya ng Philippine Sports Commission (PSC) Laro’t- Saya, PLAY N LEARN program ang mahigit na 200 senior citizen Linggo ng umaga sa pagsasagawa nito ng espesyal na aktibidad malapit sa open air Amphitheater ng dinarayong Luneta Park.
Sinabi ni PSC Laro’t-Saya program manager Dr. Lauro Domingo Jr. na ang espesyal na araw ay hiniling mismo ng mga iba’t ibang samahan senior citizens na madalas namamasyal sa Luneta upang mabigyan ng pagkakataon na makapag-ehersisyo at makapagpapawis.
“They requested for a special day dahil hindi naman nila kaya iyung masyadong magalaw at strainous activity like in the aero-zumba so para lang talaga sa kanila inihanda iyong tamang exercises. But hindi din natin napigilian iyong mga bata na sumali dahil gusto din naman magpapawis,” sabi ni Domingo.
Umabot sa kabuuang 220 katao na pinaghalong senior citizen at kabataan ang lumahok sa aero-zumba habang mayroon naman na 15 sumali sa arnis at pito sa chess para sa kabuuang 312 na nagpartisipa.
Posible na rin na isagawa ang PSC Laro’t-Saya sa nasabing lugar base sa kahilingan ng mga senior citizen sa mga opisyales ng National Parks and Development Committee (NPDC) dahil na rin sa nahihirapan silang tumawid sa kalsada kung magtutungo naman sa Burnham Green.
Samantala, nakatakda rin na palawakin ng Laro’t-Saya sa Kawit, Cavite sa pamumuno ni Vice Mayor Paul Abaya ang programa sa pagdadagdag ng iba’t ibang sports at aktibidad na kabalikat sa pagtuturo at pagbibigay ng physical fitness at health consciousness sa pangunahing institusyon ng bansa na pamilya.
Umabot naman sa kabuuang 275 katao ang dumalo sa Kawit Laro’t-Saya noong Sabado kung saan sa aerobics ay may 186, badminton (47), taekwondo (17) at volleyball.
Nakatakda ring simulan sa Oktubre 25 ang PSC Laro’t-Saya PLAY N LEARN sa Paranaque City na gaganapin sa malawak na parking area sa bagong tayong Citi Mall na malapit lamang sa City Hall.
Nauna nang inilunsad ang programa na iniendorso mismo ng Palasyo ng Malakanyang para sa nais nito na family bonding, grassroots development, health and physical fitness at drug prevention sa mga kabataan sa probinsiya ng Davao, Bacolod, Cebu at panghuli ang Iloilo City.
May inisyal na 5 sports na unang ituturo sa Parañaque na kinabibilangan ng aero-zumba, chess, arnis, badminton at volleyball.